Vhong Navarro bumabawi sa mga anak ngayong nakalaya na; handang-handa na sa susunod na hearing
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Bianca Lapus, Vhong Navarro at mga anak
ISA sa mga unang ginawa ng Kapamilya TV host-actor na si Vhong Navarro matapos makalaya pansamantala sa kulungan ay ang pakikipag-bonding sa kanyang pamilya.
Bukod sa kanyang asawang si Tanya Bautista, sinusulit ng komedyante ang kanyang panahon ngayon sa mga anak niya.
Mismong ang aktres at dating asawa ni Vhong na si Bianca Lapus ang nagkumpirma na naglalaan ng quality time ang Kapamilya star sa kanilang anak na si Yce.
Ito’y matapos ngang payagan ng Taguig Regional Trial Court si Vhong na magpiyansa ng P1 million last December 6 para sa kasong rape na isinampa laban sa kanya ng dating model na si Deniece Cornejo.
Sa kanyang Twitter account, ibinalita ni Bianca ang tungkol sa pagba-bonding ng kanyang anak at ni Vhong. Bumabawi raw talaga ang aktor sa kanyang pamilya matapos makulong ng ilang linggo.
“Been on hiatus, been very busy attending to personal / family matters. And I decided to just rest my social media first.
“Medyo checking ako now. Thank you all for your prayers and support. My son is very happy nagbabawi Ng oras ang mag aama,” ang tweet ni Bianca.
Nauna nang ipinagtanggol ni Bianca si Vhong nang muling mabuksan ang kasong rape laban sa kanya. Aniya, naniniwala siyang walang kasalanan ang aktor at lalabas at lalabas din ang katotohanan sa tamang panahon.
“Standing by this GOOD MAN. Not perfect but definitely a good kind-hearted man.
“Otherwise, it won’t be easy for me to become friends and co-parent with him. The truth will prevail. Walang iwanan,” ang post ni Bianca sa social media.
Ikinasal sila noong 1998 at naaprubahan ang annulment noong 2008. Kasal ngayon si Vhong kay Tanya Bautista, na naging girlfriend niya ng mahigit 10 taon bago lumagay sa tahimik.
Samantala, kahit holiday season na ay patuloy pa rin ang paghahanda ng kampo ni Vhong para sa susunod na pagdinig sa kinasasangkutang kaso na nakatakda na sa February, 2023.
Sabi ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Mariglen Abraham-Garduque, “The legal team is ready for trial. All the witnesses to be presented are stated in the pretrial order and the legal team is prepared for each witness.”
“For next year’s trial it is still set for prosecution’s evidence on the main case for rape. It is not yet defense evidence,” dagdag ng abogado.