Lolit Solis humanga kay Ice sa pagdidirek ng The EDDYS: ‘Very professional at cool na cool na direktor’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Ice Seguerra
PURING-PURI ng host at talent manager na si Lolit Solis ang OPM icon at singer-songwriter na si Ice Seguerra.
Partikular na tinukoy ni Manay Lolit ang pagdidirek ni Ice sa katatapos lang na 5th The EDDYS na ginanap sa Metropolitan Theater last Sunday, November 27.
Sa kanyang Instagram account, naikuwento ng veteran entertainment columnist ang pagkikita nila ng singer-actor kamakailan.
“Nakita namin Ice Seguerra sa favorite Japanese resto natin, Salve.
“Looking good si Ice na marami ang pumupuri sa ginawa niyang directing ng The Eddys awards night na talagang magaganda ang mga musical number na napanuod ng mga nasa Metropolitan Theater,” ang simulang caption ng talent manager sa litrato ni Ice na ipinost niya sa IG.
Patuloy niya, “Alam na alam na ni direk Ice Seguerra ang taste ng audience kaya naman bawat gawin niyang show talagang pinupuri. At isa pang nagustuhan nila, iyon pagiging very professional at cool ni direk Ice.
“Walang tension sa set, dahil hindi tulad ng iba na meron mga mood, si direk Ice cool lang. At dahil siguro laking showbiz kaya pati taste sa music alam niya kung ano ang gusto ng nanunuod.
“Hanggang ngayon pinag-uusapan pa ang mga musical number na pinili para sa Eddys. Bongga talaga. Congrats direk Ice Seguerra.
“Sure ako na magiging favorite director ka ng SPEEd para sa kanilang mga awards night. Hangang hanga sila Gorgy at Salve sa iyo, bongga,” ang mensahe pa ng beteranang manunulat.
Totoong-totoo naman ang sinabi ni Manay Lolit dahil saksi kami kung paanong binuo ni Direk Ice ang ikalimang edisyon ng The EDDYS ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na matagumpay ngang naganap last Sunday.
At hindi na rin kami magtataka kung magsunud-sunod ang directorial job ni Ice sa susunod na mga taon.