Nakaka-5 international crown na ang 2021 batch ng Bb. Pilipinas

Miss CosmoWorld Meiji Cruz from the Philippines

Miss CosmoWorld Meiji Cruz/ARMIN P. ADINA

PATULOY ang pagsungkit ng korona ng Binibining Pilipinas batch of 2021 mahigit isang taon mula nang itanghal ang kumpetisyon. Hinirang si second runner-up Meiji Cruz bilang 2022 Miss CosmoWorld sa patimpalak na isinagawa sa St. Regis Kuala Lumpur sa Malaysia noong Nob. 30.

 

Dinaig ng 28-taong-gulang na host ang 25 iba pang kalahok upang makuha ang aabot sa RM1.055 milyon (P13.5 milyon) halaga ng salapi at ibang premyo.

 

Sa pagkakapanalo ni Cruz, may lima nang international crowns ang Bb. Pilipinas batch niya, mula sa titleholders man o dating kalahok.

 

Mula sa hanay ng Bb. Pilipinas titleholders, hinirang na 2021 Miss Globe si Maureen Montagne, habang 2021 Miss Intercontinental si Cinderella Faye Obeñita. Sa mga kandidata naman, kinoronahang 2021 Miss Aura International si Alexandra Faith Garcia, at 2022 Miss Supermodel Worldwide si Alexandra Mae Rosales.

 

Kasama ni Miss CosmoWorld Meiji Cruz mula Pilipinas (gitna) sina first runner-up Amaliya Shakirova mula Uzbekistan (kanan) at second runner-up Onnapun Na Chiangmai mula Thailand./MISS COSMOWORLD FACEBOOK PHOTO

Sa Malaysia, hinirang din si Cruz bilang “Miss Healthy.” At katulad ng natanggap niya, malaki rin ang premyong nakuha ng runners-up. Tumanggap si first runner-up Amaliya Shakirova mula Uzbekistan ng RM367,659 (P4.7 milyon) halaga ng salapi at ibang premyo, habang nakakuha si second runner-up Onnapun Na Chiangmai mula Thailand ng RM290,660 (P3.7 milyon) halaga ng papremyo.

 

Dahil din sa pagkakapanalo ni Cruz, naipagpatuloy niya ang serye ng tagumpay ng mga appointed na kinatawan ng Pilipinas sa mga pandaigdigang patimpalak. Tulad niya, hand-picked din sina Garcia at Rosales, gayundin ang Bb. Pilipinas alumna na si Shane Tormes na reigning Miss Global.

 

Lahat ng nagwaging appointed queens mga unang reyna mula sa Pilipinas, at lahat sila nagsanay sa “Kagandahang Flores” pageant camp ng queenmaker na si Rodgil Flores.

 

Isa pang reyna ng 2021 Bb. Pilipinas pageant ang kasalukuyang umaasinta sa isa pang pandaigdigang titulo, si Hannah Arnold na nasa Japan na ngayon para sa ika-60 Miss International pageant.

Read more...