FB account ni Jaclyn Jose muling na-hack, nagreklamo na sa NBI: Bastos at walang galang itong gumagawa ng ganito
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Jaclyn Jose
INIREKLAMO na ng award-winning actress na si Jaclyn Jose sa National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang beses na pangha-hack sa kanyang social media accounts.
Ibinalita ng veteran Kapuso actress na hindi lang isang beses na-hack ang kanyang Facebook account kaya naman naalarma na siya at hiningi na ang tulong ng mga taga-NBI.
Sa kanyang Instagram page, sinabi ni Jaclyn na na-recover na niya noong November 26 ang na-hack na FB account. Nagpalit na rin daw siya ng password pero nagawa pa rin itong buksan ng hacker.
Unang ibinalita ni Jaclyn sa publiko na na-hack ang kanyang FB account noong November 23.
At dahil nga sa nangyari, hindi muna siya magpo-post ng kahit ano sa social media, “To all my hacker…. na ka hacked pa din ako nag pahinga lang magaling tong mga tao nato… I will not message.. post any… nagpalit nako pass word nakuha pa.”
Umaasa ang premyadong aktres na mahuhuli ng mga operatiba ng NBI ang mga taong nang-hack ng kanyang Facebook account. Sey pa ni Jaclyn, may idea na siya kung sinu-sino ang mga ito.
“To every one … wala napo ako social media… hanapin ko muna hacker pina NBI ko na at saka na lang ako babalik.
“Bastos at walang galang itong gumagawa. I will not post… nor text any one lalo na kung money involved… ignore.
“Hahanapin ko. Malapit na meron na akong lead… antayin na lng nia,” ang pagbabanta pa ni Jaclyn Jose sa mga hacker.