Joel Lamangan sa R-18 rating ng MMFF entry na ‘My Father, Myself’: Ayaw nila ng kabaklaang movie na serious ang treatment
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Sean de Guzman, Jake Cuenca, Quinn Carrillo, Joel Lamangan, Dimples Romana at Tiffany Grey
IPINAGLABAN ng award-winning director na si Joel Lamangan sa MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) ang bago niyang pelikulang “My Father, Myself”.
Isa ito sa walong official entry sa Metro Manila Film Festival 2022 na pinagbibidahan nina Sean de Guzman, Jake Cuenca at Dimples Romana at Tiffany Grey.
Ito ang ikatlong entry ni Direk Joel sa MMFF na may LGBTQIA+ na tema, ang dalawang nauna ay ang “Rainbow Sunset” at “Isa Pang Bahaghari” na parehong humakot ng awards.
At ngayong taon nga ay mapapanood sa darating na December filmfest ang “My Father Myself” na ayon kay Direk Joel ay base sa tunay na mga pangyayari pero binago niya ang ending dahil very tragic daw yung true story.
Sa kuwentong isinulat ng actress-scriptwriter na si Quinn Carrillo, gaganap na mag-asawa sina Jake at Dimples na may anak na babae (Tiffany Grey). Aampunin ni Jake ang anak ng lalaking nakarelasyon niya (Allan Paule) at ituturing niya itong parang tunay na anak.
Ang big twist ng istorya ay nang magkainlaban sina Jake at Sean at nang mabuntis din ng binata ang anak nina Dimples at Jake na si Tiffani. At yan nga ang dahilan kung bakit binigyan ng R-18 rating ng MTRCB ang movie.
Ang tanong ng press kay Direk Joel, ganu’n ba katindi ang mga sex scenes sa pelikula? “None, only a kissing scene between Jake and Sean, but no frontal nudity or anything like that.
“What they don’t like is the theme kasi incestuous daw. Ayaw nila ng kabaklaang movie na serious ang treatment, gusto nila ng kabaklaang movie na comedy, nagpapatawa.
“Inilalaban ko na gawing kahit R-16 man lang pero ayaw nila, so itinuturing ko na lang na malaking karangalan na sa lahat ng entries sa filmfest, kami lang ang R-18,” paliwanag ng award-winning director.
Suki na ng MMFF si Direk Joel at ilan sa mga naging entry niya sa taunang festival ay ang “Mano Po” movies, “Aishite Imasu”, “Bulaklak ng Maynila”, “Death Row”, “Blue Moon”, “Muling Umawit ang Puso” at marami pang iba.
Pagmamalaki pa niya sa “My Father, Myself”, “Lahat ng artista ko rito, puro mahuhusay and I have a feeling na malakas ang laban nila.
“I handpicked Jake Cuenca for the role of the closeted human rights lawyer who had an affair with the peasant leader played by Allan Paule.
“I’ve worked with him before in ‘Lihis’ at alam ko ang capability niya. And he really delivers. Napakahusay niya rito.
“Gayundin naman si Dimples Romana as the understanding wife na pinakasalan si Jake kahit alam niya ang tunay na katuhan nito.
“Si Sean, I was the first director to handle him in ‘Anak ng Macho Dancer’ and ‘Lockdown’ at gumaling siya nang gumaling in every movie we do.
“He won two international best actor awards for a movie we did, ‘Fall Guy’, at dito, napakahusay niya as the adopted son na umibig sa kanyang foster father,” pahayag pa ni Direk.
Kahit daw ang baguhang si Tiffany Grey ay lumaban ng akting sa movie, “Naku, maraming gugulatin ang batang ito sa role niya as the girl who feels so disappointed nang malaman niyang may affair ang ama niya at ang lalaking nakabuntis sa kanya.
“She might be new pero hindi siya nagpahuli sa mga kasama niyang mas beterano sa kanya. She’s a revelation and definitely, may kinabukasang naghihintay sa kanya sa larangan ng pag-arte,” papuri ni Direk sa dalaga.
Ang “My Father, Myself” ay mula sa Mentorque Entertainment at 3:16 Media Network nina Len Carrillo, Win Salgado, Jumerlito P. Corpuz, Nicanor C. Abad at Bryan Dy.