KINORONAHAN bilang Miss Tourism Metropolitan International si Mutya ng Pilipinas Maria Angelica Pantaliano sa 2022 Miss Tourism International pageant na itinanghal sa Sarawak, Malaysia, noong Nob. 25.
Dahil sa korona niya, kabilang na ngayon si Pantaliano sa mahabang talaan ng mga Pilipinang nakapag-uwi ng karangalan mula sa Malaysia-based international competition, kabilang ang limang reyna ng Mutya ng Pilipinas na nakasungit sa main title—si Peachy Manzano noong 2000, ang yumaong si Rizzini Alexis Gomez noong 2012, Angeli Dione Gomez noong 2013, Jannie Loudette Alipo-on noong 2017, at Cyrille Payumo noong 2019.
Nananatili ang Pilipinas bilang pinakamatagumpay na bansa sa Miss Tourism International pageant, hindi lang dahil sa limang top winners, kundi dahil na rin sa pagkakaroon ng marami pang ibang titleholders. Dreamgirl of the Year International noong 2018 ang actress-host na si Aya Fernandez, Miss Tourism Cosmopolitan International naman noong 2010 ang news anchor na si Barbie Salvador-Muhlach.
Sa 2022 competition, nasungkit ni Suphatra Kliangprom mula Thailand ang pangunahing titulong Miss Tourism International. Kinoronahan bilang Miss Tourism Metropolitan International si Laura Zabaleta mula Venezuela, habang hinirang bilang Miss Tourism Global si Crystal Huang Ruojia mula Singapore.
Miss Tourism Cosmopolitan International si Alysa Cook mula Estados Unidos, Dreamgirl of the Year International si Abigail Curd mula New Zealand, at Miss Southeast Asia Tourism Ambassadress si Phoebe Ong Yi Huui mula Malaysia.
Samantala, tinanggap din ni Pantaliano ang “Miss Photogenic” award.
Biglaan ang pagsabak niya sa Miss Tourism International. Semifinalist siya sa huling Mutya ng Pilipinas pageant na itinanghal noong 2019 pa, ngunit itinalaga ng national pageant organization upang ibandera ang Pilipinas sa Malaysia.
Kabubukas lang ng Mutya ng Pilipinas pageant ng pintuan nito noong Agosto para sa mga aplikante para sa “comeback edition” nito ngayong taon makaraang magpahinga ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic, ngunit kinailangan nang makahanap na kandidata para sa Miss Tourism International pageant. May ilang pinagpilian ang national pageant organization, at si Pantaliano ang napili sa huli.
Kokoronahan sa national competition ngayong taon ang magiging kinatawan ng bansa sa Miss Tourism International pageant sa susunod na taon, kabilang ang iba pang titleholders—Mutya ng Pilipinas 2022, Mutya ng Pilipinas-World Top Model, at Mutya ng Pilipinas-Overseas Communities.
Gagawaran din ng kani-kanilang titulo ang runners-up ngayong taon—Mutya ng Pilipinas Luzon, Mutya ng Pilipinas Visayas, at Mutya ng Pilipinas Mindanao.
Itatanghal ang 2022 Mutya ng Pilipinas coronation night sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City sa Dis. 4.
Related chika:
Hannah Arnold humingi ng dasal at suporta bago sumabak sa Miss International pageant
Miss World PH queens masaya sa pagsabak ni Justine Felizarta sa Miss Tourism World pageant