‘MMK’ tatapusin na sa Disyembre, Charo Santos nagpaalam: Salamat po sa lahat ng nakaraan…

'MMK' tatapusin na sa Disyembre, Charo Santos nagpaalam na: Salamat po sa lahat ng nakaraan...

Charo Santos

CONFIRMED! Magpapaalam na sa ere ang longest-running drama anthology ng ABS-CBN na “Maalaala Mo Kaya” (MMK).

Mismong ang award-winning actress at host ng programa na si Charo Santos-Concio ang nag-announce na tatapusin na ang “MMK” sa darating na Disyembre.

Sabi ni Charo sa kanyang farewell message na ipinalabas kagabi sa “TV Patrol”, “Ilang inspirasyon ang maipapaloob sa tatlumpu’t isang taon.

“Hindi na po mabilang ang naisalaysay nating kuwento dito sa MMK. Mga kuwentong totoo. Mga salamin sa sarili ninyong buhay na nagbigay ng aral at panibagong pag-asa.

“Kami po ay tagapaghatid lamang ng mga kuwento. Kung mauulit man ang lahat, hindi po ako magdadalawang isip na piliing muli ang role na ito,” mensahe pa ng aktres.

Pinasalamatan din niya ang lahat ng nakasama niya sa programa na tumagal ng mahigit tatlong dekada,  “Kulang po ang tatlumpu’t isang taon para magpasalamat sa inyo.


“Gayunpaman, gusto ko pong magbigay-pugay sa lahat ng nagpadala ng sulat, sa aming mga direktor, writers, researchers, production staff, at sa lahat ng naging bahagi ng aming programa.

“Sa mga artistang gumanap, maraming-maraming salamat.

“Sa management ng ABS-CBN, sa aming mga sponsors, at higit sa lahat sa inyong mga tagapanood, kayo po ang nagsabi na makahulugan sa inyo ang aming ginagawa.

“Salamat po sa lahat ng nakaraan at sa anumang paraan na maaaari pa tayong muling magkita.

“Ito po si Charo Santos, ang inyong tagahanga at tagapagkuwento,” ang buong pahayag ng host ng “MMK.”

Ipinalabas sa ABS-CBN ang unang episode ng “MMK” noong May 15, 1991 na pinagbidahan nina Romnick Sarmenta at Robert Arevalo.

At dahil nga sa tinamo nitong tagumpay sa telebisyon, nagkaroon din ito ng movie version na ipinalabas taong 1994.

Ang huling episode ng “MMK” ay mapapanood sa darating na December 10.

Enchong sa 30th anniversary episode ng MMK: Ang bigat pala ng responsibilidad na ‘to!

Dawn Chang bibida sa makulay na life story ni Madam Inutz sa ‘MMK’, mga itinatagong lihim mabubuking

Shaina, Raymart sa pagtatapos ng ‘Ang Probinsyano’: To be part of the history sobrang laking honor nu’n

Read more...