Knows n’yo ba kung paano nabuo ang makasaysayang ‘Mang Jose’ ng Parokya ni Edgar?
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Parokya ni Edgar
SA lahat ng die hard at loyal fans ng OPM band na Parokya ni Edgar all over the universe, knows n’yo ba kung paano nabuo ang hit song nilang “Mang Jose”?
May kaunting pa-trivia ang bokalista ng Parokya Ni Edgar na si Chito Miranda tungkol diyan na siguradong ikagugulat n’yo.
Ayon sa award-winning singer-songwriter at “Idol Philippines” season 2 judge, hindi raw para sa album na ginagawa nila that time ang “Mang Jose” kundi para sana ito sa isang online game.
At dahil nga biglang naging instant hit ang nasabing kanta, na-nominate pa ito bilang Best Novelty Recording at Song of the Year.
“Nagsimula ang lahat when Buwi was asked to come up with a song for Ragnarok (isang online game kung saan yata gumawa din ng kanta ang Kamikazee: Chicksilog) Buwi came up with the music and asked me to come with the lyrics,” simulang pag-alala ni Chito.
Pag-alala pa ng mister ni Neri Miranda, naisip siya ang salitang Raimusen, na pinaghalong Japanese words.
Aniya, perfect na perfect daw ang konsepto at tunog ng “Mang Jose” sa online game na nagpagawa sa kanila ng song.
“So nu’ng ginawa ko yung song, it was originally ‘Raimusen! Raimusen! Ang superhero na pwedeng arkilahin. Raimusen, parang si Daimos din. Ngunit pagkatapos ay bigla kang sisingilin…Raimusen,’” kuwento pa ni Chito.
Ngunit nag-suggest naman ang lead guitarist ng grupo na si Darius Semaña na palitan ang “Raimusen” ng “Mang Jose.”
“Darius suggested we change his name to ‘Mang Jose’para daw mas Pinoy. Ayoko sana kasi pinag-isipan ko yung name…pero eventually, I was convinced. So reluctantly, I agreed,” pahayag pa ng Parokya frontman.
At sino nga ba ang mag-aakala na ang kantang para sana sa isang online game ay magiging isang rock classic na bahagi na ngayon ng Pinoy pop culture.
Bukod sa nagkaroon ng comics version ang “Mang Jose”, ginawa na rin itong movie na pinagbidahan ni Janno Gibbs at ipinangalan na rin ito sa restaurant.