Dolly de Leon pasabog ang role sa ‘Triangle of Sadness’, binigyan ng standing ovation sa opening ng 10th QCinema filmfest
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Dolly de Leon
ANG bongga-bongga ng Filipina actress na si Dolly de Leon na bidang-bida pala sa international award-winning movie na “Triangle of Sadness”.
Napanood na namin ang pelikula sa opening ng 10th QCinema International Film Festival last Thursday, na ginanap sa Gateway Cineplex sa Araneta City, Cubao kung saan present din si Dolly.
In fairness, binigyan ng standing ovation ang aktres pagkatapos ng screening ng “Triangle of Sadness” na nanalo ng Cannes Palme d’Or o Best Picture award, dahil talaga namang karapat-dapat siyang bigyan ng pagkilala sa napakahusay niyang pagganap.
Kasama ni Dolly sa nasabing Swedish film mula sa acclaimed writer-director Ruben Östlund sina Harris Dickinson, Charlbi Dean, Woody Harrelson, Henrik Dorsin, Zlatko Buric, Iris Berben, Sunnyi Melles, Vicky Berlin, at Oliver Ford Davies.
Ginagampanan ni Dolly rito ang role ng Pinay overseas worker sa isang luxury yacht na magiging isa sa pinakamahalagang karakter sa kalagitnaan hanggang sa nakakalokang ending ng movie.
As in! Akala kasi namin ay parang special participation lang ang aktres sa pelikula pero nagkamali kami dahil siya pala talaga ang agaw-eksena sa halos kalahati ng kuwento.
Umuwi pa talaga si Dolly sa bansa para lamang um-attend sa Philippine premiere ng pelikula. “I really wanted to be here para maramdaman ko ang reaksyon ng mga kababayan natin. It was my choice to be here,” ang sabi ni Dolly sa panayam ng ABS-CBN.
Galing siya sa Amerika kung saan nag-join siya sa producers’ campaign para mapansin ng mga miyembro ng Academy Awards at mapili siya para maging finalist sa 2023 Oscar Best Supporting Actress category.
At hindi naman nasayang ang pagbabalik ni Dolly sa Pilipinas dahil lahat ng nakapanood ng “Triangle of Sadness” ay napahanga at napabilib niya sa kanyang akting. Grabe siya! Bawat eksenang ginawa niya sa pelikula ay talagang nagmarka.
Pero hindi na namin ikukuwento ang mga nagustuhan naming eksena lalo na ang ending na siguradong ikaka-shock n’yo!
Inialay naman ng aktres ang natatanggap niyang papuri at pagbati sa co-star niyang si Charlbi Dean, na pumanaw noong August sa New York, “I also thank her and pay tribute her. She was a dear friend.”
Masaya rin niyang ibinalita na dito siya sa magpa-Pasko sa Pilipinas pero babalik uli sa US pagsapit ng January dahil sa iba pa niyang international commitments.
Mapapanood ang second screening ng “Triangle of Sadness” para sa QCinema filmfest sa November 21, sa Power Plant Cinema sa Rockwell, Makati City.
Sa November 30 naman ang regular showing nito sa mga sinehan nationwide na exclusively distributed by TBA Studios.