Para kay Melai Cantiveros ‘di dapat mawala si Hesus sa pagdiriwang ng Pasko

Para kay Melai Cantiveros ‘di dapat mawala si Hesus sa pagdiriwang ng Pasko

ISANG napakasayang okasyon na ipinagdiriwang ng pamilya niya dati pa ang Pasko para sa host at komedyanteng si Melai Cantiveros, kaya naman tinitiyak niyang maipapasa ang galak sa mga anak niyang sina Mela at Stella.

“Iyong pagse-celebrate po ng Christmas sa amin is really an unforgettable moment talaga iyon ng buhay ko, at talagang itre-treasure ko iyon at dadalhin sa celebration ng mga anak ko. Kaya ngayon iyong celebration nila nilalagyan ko ng extra special. Kasi kung masaya ako noon, mas nilalagyan ko pa ng extra special kasi sila ang extra special ng buhay ko ngayon,” sinabi niya sa Inquirer sa pagbubukas ng “Christmas On Display” sa Mini Fiesta Carnival sa Araneta City sa Quezon City noong Nob. 18.

Sinabi ni Melai na nais niyang maranasan ng mga anak ang Pasko bilang pinakamaligayang araw, “kasi birthday iyon ni Jesus, hindi pa rin nawawala iyong about sa Bible, na explanation ko kung bakit tayo nagse-celebrate. Hindi lang iyong celebration, kundi iyong about the Bible, about kay Jesus,” dinagdag pa niya.

Ibinahagi rin ng “Magandang Buhay” host na “happy and honored” siyang maanyayahang masaksihan ang pagbubukas ng atraksyon, na muling bumuhay sa animatronic “COD” display noon na inabangan ng laksa-laksang manonood tuwing Kapaskuhan.

Sinabi ni Melai na nagpapasalamat siyang nakapiling niya ang mga anak sa panonood sapagkat isinalaysay dito ang kuwento ng pagsilang kay Hesus. “Nakita ko story about kay Jesus, kay Joseph, kay Mama Mary, na napapanood nina Mela and Stella, napra-proud ako, kasi this is the reason kung bakit may Christmas tayo,” pagpapatuloy pa niya.

Nakakatamasa na rin ng katanyagan ang mga bata dahil sa viral video kasama ang mga magulang. Ngunit sinabi ni Melai na hindi pa nila pinahihintulutan ng kabiyak na si Jason Francisco na itodo ng mga anak ang pagsho-showbiz. “Focus muna sila sa pag-aaral, kaya pinipili talaga namin kung saan sila mai-invite tsaka iyong mga project,” ipinaliwanag niya.

Hindi pa talaga pwede ang mga teleserye, kaya live appearances lang muna ang pinahihintulutan nila, at kailangang hindi ito makaaabala sa pag-aaral nila, ani Cantiveros.

Sa General Santos City magdiriwang ng Pasko ang mag-anak ngayong taon, sey ni Melai. Noong nagdaang taon kasi doon sila umuwi kina Francisco sa Mindoro.

Related Chika:
Melai Cantiveros naloka nang makita ang bill ng kuryente; Kim Chiu super proud kay Xian Lim

Read more...