Angeline nag-react sa chikang siya ang bumubuhay sa fiancé at anak; hindi ililihim ang detalye ng kasal
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Angeline Quinto, Nonrev Daquina at Baby Sylvio
AYAW tantanan ng mga malilisyosong bashers ang fiancé ng Kapamilya Birit Queen na si Angeline Quinto na si Nonrev Daquina.
Ipinagpipilitan kasi ng mga haters na si Angeline ang nagtatrabaho at bumubuhay sa kanilang pamilya habang nagpapasarap lang umano si Nonrev na nagtatrabaho dati bilang casino dealer.
Aware si Angeline sa pangmamaliit ng ilang netizens kay Nonrev pero dedma lang siya sa mga ito dahil knows naman daw niya ang totoo sa relasyon nila ng partner at tatay ng kanyang anak na si Baby Sylvio.
“Ang dami kong nababasang ganu’n. Well, si Non naman, kapag talagang nakakita kami ng ganu’n, talagang tinatawanan na lang namin,” ang pahayag ni Angeline sa isang panayam.
“Alam naman namin na kaming dalawa yung nagkakaintindihan. Kaming dalawa yung pupuno kung anuman yung pangangailangan ni Sylvio,” aniya.
Ipinagdiinan ni Angeline sa naturang interview na may negosyo naman si Nonrev bukod sa pagiging bahagu ng isang insurance company.
Samantala, tinanong naman ng ating kasamahan sa panulat na si Melba Llanera si Angeline sa mediacon ng bagong reality talent search ng ABS-CBN na “Dream Maker” last November 9, tungkol sa kasal nila ni Nonrev.
Sagot ng singer at celebrity mom, “Wala pa naman, pero napag-uusapan namin ng partner ko. Ise-share ko naman sa lahat yun kapag mayroon na kaming eksaktong date or taon.”
“Lahat ng nangyayari sa buhay ko ngayon, talagang masaya. Masayang-masaya ako. Kung anuman ang nangyayari sa buhay ko, lagi kong ipinagpapasalamat sa Diyos,” sabi pa ni Angeline.
Samantala, isa si Angeline sa napiling mentor ng “Dream Maker”, ang collaboration project ng ABS-CBN Entertainment, MLD Entertainment at Kamp Global.
Makakasama niya bilang Filipino mentors sina Bailey May at Darren Espanto habang ang mga Korean mentors naman ay ang mga composer and producer na sina Seo Won-jin at Bullseye; MOMOLAND and Lapillus choreographer Bae Wan-hee; former MBLAQ member Thunder; Brown Eyed Girls’ JeA, and choreographer and Produce 101 dance mentor Bae Yoon-Jung.
Sina Kim Chiu at Ryan Bang naman ang magho-host ng show na mapapanood na sa Kapamilya Network at A2Z simula sa November 19.
“Sobrang nakakatuwa, as a mentor, ang sarap sa feeling, ang sarap sa pakiramdam na ako na yung gagawa nito ngayon. Dati ako yung laging dyina-judge sa mga competition,” sabi ni Angeline na siyang itinanghal na winner sa “Star Power: Search for The Next Female Pop Superstar” noong 2011.
“This time na maging mentor, sobrang honored ako and grateful sa ABS-CBN and Dream Maker,” aniya pa.
Maglalaban-laban at magpapasiklaban ang 62 contestants mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Mula rito, pipiliin ang Top 7 finalists para sa huling showdown.