Sam, Lovi, Anne pwedeng-pwede sa Pinoy version ng hit K-drama na ‘It’s Okay To Not Be Okay’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Anne Curtis, Sam Milby at Lovi Poe
IRi-REMAKE ng ABS-CBN ang hit Korean drama na “It’s Okay to Not Be Okay” na ipinalabas sa Netflix noong 2020 naat pinagbidahan nina Kim Soo-hyun, Seo Yea-ji at Oh Jung-se.
Para kina Liza Soberano at Enrique Gil sana ang project na ito pero dahil hindi na sila ABS-CBN talents ay naghahanap ngayon ang management kung sino ang puwedeng ipalit sa kanila.
“Sayang nga, di ba, LizQuen sana itong project. E, wala, nasa ibang bansa na si Liza,” saad ng aming kausap.
Sabi namin baka puwede naman si Liza kasi nagsabi naman siya dati na kung gagawa siya ng teleserye ay sa ABS-CBN pa rin.
“Parang iba naman ang gusto niyang mangyari sa career niya kaya nga siya nandoon (US),” giit sa amin.
Oo, nga saka siyempre gusto ng Kapamilya network ay ‘yung sarili nilang talents pa rin ang bibida sa mga bagong proyekto nila.
Nabanggit namin na KathNiel na lang ang loveteam na natira sa Dos at patapos na ang “2 Good 2 Be True” bukod nga kina Donny Pangilinan at Belle Mariano o DonBelle na may movie naman na “An Inconvenient Love” kaya baka hindi sila i-consider sa “It’s Okay to Not Be Okay.”
“Puwede rin naman kahit hindi magka-loveteam,” katwiran ng aming kausap.
Sino nga kaya ang babagay na bidang babae na fashionista at bidang lalaki na caregiver na may kapatid na may special needs.
Dapat naglalaro ang mga edad nila sa late 20s, kaya sino ba sa mga artista ngayon ng Star Magic at Rise Studios ang pasok dito? Hindi na kasi namin kilala ang mga bagong artista ng ABS-CBN.
Bet sana namin sina Anne Curtis at Lovi Poe since fashionista naman sila pareho, pero kung ibibigay sa mas bata, pasok si Charlie Dizon since may acting award na siya.
Pasok din si Kim Chiu kaso may reality show sila ni Ryan Bang plus may daily show siyang “It’s Showtime” na imposibleng bitawan ng dalaga.
Anyway, bet namin si Sam Milby bilang lead actor at bagay naman sila ni Anne at ni Lovi habang ang kapatid na may special needs ay bagay kay Ketchup Eusebio.
Hindi kaya it’s about time na ibalik ang tambalan nina Anne at Sam lalo’t may mga supporters pa rin naman sila?
Abangan na lang natin ang announcement ng ABS-CBN kung sino ang mapipili nila para sa cast ng nasabing K-drama na gagawan ng Philippine adaptation.