Richard Gutierrez muling patutunayan ang pagiging action hero sa ‘Iron Heart’: Malayo ito sa naging role ko sa ‘Probinsyano’
By: Reggee Bonoan
- 2 years ago
Richard Gutierrez
BAGO pa nagpatawag ng mediacon para sa “The Iron Heart” TV series ni Richard Gutierrez ay napanood na namin ang trailer nito sa YouTube channel ng ABS CBN Entertainment at talagang hangang-hanga kami sa fight scenes ng aktor.
Alam naming kaya niyang mag-action pero hindi namin inaasahan na ganu’n siya kagaling kaya sabi namin, sana’y mapasama kami sa launching para matanong kung paano niya ikukumpara ang mga ginawa niya sa “FPJ’s Ang Probinsyano” at sa “Iron Heart.”
At sa ginanap ngang mediacon ng “The Iron Heart” kagabi ay iyon nga ang tanong namin sa aktor.
“Yes coming from Ang Probinsyano and then nu’ng ginagawa namin itong Iron Heart, we really wanted to shift away from Probinsyano especially ‘yung character ko. Well, malayo naman talaga kasi sa Probinsyano naging parang villain ako ro’n.
“And ‘yung Probinsyano kasi parang classic (ang) approach sila sa action and most of their action scenes are gun fights ay hindi ko masyado naipakita ‘yung capabilities ko sa action sa Probinsyano, so we wanted to showcase everything dito sa Iron Heart,” simulang pahayag ni Richard.
“We wanted more hand to hand combat, more modern approach in terms of cinematography and I have the best team behind me headed by Direk Lester (Pimentel-Ong), action director and his group Three Sixty and we really show something different in terms of action.
“‘Yun nga matagal na akong hindi napapanood na gumawa ng action na ganito and we wanted that to showcase again sa ating audience.
“And kung bakit ako tinawag na Iron Heart, mapapanood n’yo ‘yan simula sa November 14,” sabi pa ni Richard.
Napag-alaman din namin na noong sinulat ang “Iron Heart” ay si Richard na talaga ang nasa isip ng Star Creatives dahil wala silang ibang maisip na puwedeng gumanap at gumawa ng mga eksenang tulad ng napanood sa trailer.
Bagay na bagay nga kay Chard ang karakter niya bilang si Apollo na base sa trailer ay may kuhang punumpuno ng galit ang puso niya na ito ‘yung nakakapanakit siya at may eksenang sobrang bait naman niya at pinatay ang tatay niya kaya hinahanap niya ang taong pumatay para paghigantihan.
Isa si Maja Salvador sa cast members ng serye at abut-abot ang pasalamat ni Richard na tinanggap ng aktres ang role bilang special woman na hindi naman sinabi kung bakit.
Sabi nga ni Majs, “Pagdating ko (Cebu) parang naka-benteng thank you si Richard (kasi tinanggap ko), binilang ko talaga kasi (sabi niya) ‘uy thank you ha?’ Sabi ko, Chard, ilang thank you?”
Samantala, isa ang “Iron Heart” series na bawal ang hindi marunong umarte sa cast dahil halos lahat ay magagaling sa kani-kanilang henerasyon tulad nina, Sue Ramirez at Jake Cuenca with support from Albert Martinez, Al Tantay, Diether Ocampo, Karina Bautista, Enzo Pineda, Sofia Andres, Pepe Herrera, Roi Vinzon, Victor Silayan, Kyle Echarri (batang Richard), Dimples Romana, Althea Ruedas (Doll House kid) at Baron Geisler.
Mapapanood na ito sa Nobyembre 14 sa ABS-CBN TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Jeepney TV, iWantTFC, TFC (The Filipino Channel), ABS-CBN Entertainment YouTube channel at iba pang platforms ng Kapamilya Network under Star Creatives at idinirek nina Lester Pimentel Ong at Richard Arellano.