Mikee Cojuangco napasabak sa mundo ng showbiz matapos magka-injury sa pangangabayo
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
MIkee Cojuangco
ANG pagkakaroon ng injury sa pangangabayo ang naging dahilan kung bakit napasok sa mundo ng showbiz ang aktres at athlete na si Mikee Cojuangco.
Ayon sa misis ni Pasig City Vice Mayor Robert “Dodot” Jaworski, mula nang pansamantalang mamahinga sa pagiging equestrienne ay marami namang opportunities ang nagbukas para sa kanya.
Kabilang na nga rito ang desisyon niya na subukan ang pag-aartista habang nagpapalakas at nagpapagaling mula sa tinamong injury sa pagho-horseback riding.
Nag-join noon si Mikee sa mga international competitions para sa show jumping. Taong 2002 nang manalo siya ng gold sa individual show jumping event sa Asian Games na ginanap sa Busan, South Korea.
Naging flag bearer din siya noong 2010 Asian Games bagamat hindi siya kasali sa kompetisyon.
Pag-alala ni Mikee, una siyang lumabas sa isang TV commercial para sa isang kilalang brand ng relo noong 17 years old pa lamang siya hanggang sa alukin na nga siyang mag-artista.
Ayon pa kay Mikee, nagdalawang-isip siya talaga na tanggapin ang mga alok sa kanya dahil nag-aaral pa siya noon. Bukod dito, alam daw niya kung gaano kahirap at ka-demanding ang pagiging artista.
“Alam ko na ang buhay-showbiz kasi nakikita ko si Kris (Aquino) tapos sometimes, she’ll get me to visit her, ganu’n, so nakikita ko rin,” pahayag ni Mikee sa latest episode ng “Surprise Guest with Pia Arcangel.”
Aniya, napilitan nga siyang magpahinga muna sa kanyang sports nang magkaroon ng injury, “I was very frustrated. Since the age of 10, imagine, I was riding almost every day.”
“My mom said, ‘you know, every opportunity that comes your way, you should take it, and for all you know, you might love it,’” sabi pa ni Mikee.
Hindi naman pinagsisihan ng aktres ang pagpasok sa showbiz dahil sa dami ng natutunan niya sa pag-aartista at sa mga naging katrabaho na naging kaibigan din niya.
“I love the work. I love the people that I work with. So, para sa akin, it was really such a blessing. And not only that, it helped me support myself in sports,” sabi ni Mikee.
Isa sa mga pinakamatagumpay na pelikulang nagawa niya ay ang classic blockbuster movie na “DoReMi” under Viva Films kung saan nakasama niya sina Donna Cruz at Regine Velasquez.
Tinagurian pa mga itong “most successful Filipino musical comedy of all time” at hanggang ngayon ay napanatili nina Donna, Regine at Mikee ang kanilang friendship na nabuo nga sa ginawa nilang movie.
Bumida rin siya sa mga pelikulang “Manalo, Matalo, Mahal Kita” with Cesar Montano at “Forever” kasama si Aga Muhlach.
Sa mga hindi pa masyadong aware, naging host din si Mikee noon ng “Eat Bulaga”.