KUMPIRMADO na at opisyal nang ipinakilala ang bagong may-ari ng Miss Universe Organization (MUO), at iyan ay ang Thai media empress na si Anne Jakrajutatip, chair at CEO ng JKN Global Group, na nagpatawag ng isang press conference sa Bangkok upang ilatag ang plano niya para sa 71-taong-gulang na patimpalak.
Dinaluhan din ng Inquirer at ng iba pang mga organisasyon sa iba’t ibang bansa ang press conference sa pamamagitan ng Zoom. At doon hinayag ni Jakrajutatip na sa ilalim ng JKN Global Group, mapapanood ng mga tagahanga ng Miss Universe ang inaabangan nilang makita para sa kanilang “enjoyment,” at nangako pa siyang isusulong ang pagkakapantay-pantay at ang inclusivity sa pageant.
Naiulat na binili niya ang MUO mula sa IMG ng US entertainment conglomerate na Endeavor sa halagang $20 milyon (nasa P1.18 bilyon) para sa 100 porsyentong pagmamay-ari ng organisasyon, kasama ang lahat ng mga negosyo at interes nito, kabilang ang Miss USA at Miss Teen USA pageants.
Lumaki bilang isang transgender woman sa isang mundong tanggap siya sa Thailand, kaya naging ganap ang pagyabong ni Jakrajutatip. At sinabi niyang nais niyang makita siya ng mga babae sa buong mundo bilang inspirasyon, na kayang makamit ninuman ang mga pangarap niya.
Dati, nang pinapanood niya ang Miss Universe sa telebisyon, pinangarap niyang makatrabaho ang organisasyon. Ngayon, hindi lang niya nakatrabaho ang MUO, siya na ang may-ari nito.
Mananatili naman sa kanilang mga puwesto sina MUO CEO Amy Emmerich at President Paula Shugart. Dumalo rin sila sa press con virtually, mula sa New York.
Sinabi ni Shugart na sa 20 taon niya bilang pangulo ng MUO, “this is the most excited I have ever been. I know the MUO is in good hands.”
Panatag naman si Emmerich na ipagpapatuloy ni Jakrajutatip ang pagsulong sa misyon ng patimpalak “to celebrate women of all backgrounds.”
Sampung taon na ang nakararaan nang pahintulutan ng MUO ang pagsali ng transgender woman, at si Angela Ponce ng Spain ang unang nakarating sa international stage noong 2018 sa patimpalak na itinanghal sa Bangkok. Kamakailan lamang, naiulat na tatanggapin na rin sa Miss Universe ang mga ginang, diborsyada, o ina.
Pinapurihan ni Jakrajutatip ang hakbang na ito ng MUO. “If you have a husband and you are still beautiful, why will you just stay at home? Show your beauty on stage,” aniya.
Ibinahagi rin niya na may host country na para sa 2023 at 2024 Miss Universe pageants, ngunit hindi pa binunyag kung saan itatanghal ang patimpalak sa dalawang susunod na taon.
“Miss Universe belongs to us,” pahayag ni Jakrajutatip, sinabi pang titipunin niya ang kababaihang may iba’t ibang pinanggalingan sa palatpormang “One Universe” upang isulong ang pagkakaisa at women empowerment.
Napakalaki ng JKN Global Group, may TV station, digital channel, manufacturing ng mga paninda, at media content marketing.
Sinabi ni Jakrajutatip na sa ilalim ng JKN Global Group, hindi lang magiging isang beauty competition ang Miss Universe pageant, at tututukan niya ang “sustainable business development.”
Maglulunsad siya ng mga gamit, damit, at iba pang bagay na taglay ang tatak “Miss Universe” tulad ng binabalak niysng “Miss Universe Water” na nakakaganda..
Itatanghal ang 71st Miss Universe pageant, ang edisyon nito para sa 2022, sa Enero 14, 2023, sa New Orleans, Louisiana, sa Estados Unidos. Si Celeste Cortesi ang kinatawan ng Pilipinas.
Related Chika:
Beatrice Gomez kakaririn ang pagkuha ng master’s degree, gusto ring subukan ang pagho-host
Shamcey Supsup-Lee umaasa sa bonggang Miss Universe pageant
Rabiya Mateo ‘winner’ na para kay Shamcey Supsup: You are our queen!
Miss Universe PH 2022 Celeste Cortesi nahihiyang umamin noon na nagtrabaho bilang cashier, pero…