NAGBABADYANG mag-”landfall” ang bagyong Obet sa bahagi ng Northern Luzon, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA Weather Forecaster Benison Estareja sa isang press briefing kaninang 5 a.m., Oct. 21, na nakikita nilang tatama ito sa bahagi ng Batanes o Babuyan Islands ngayong araw.
Sey ng forecaster, “Asahan po natin sa pagsapit bago magtanghali ay nakakaepekto na itong gustiness dito sa Batanes and Cagayan provinces.
“Pagsapit ng hapon, posibleng mag-landfall ito somewhere dito sa may area ng Batanes o Babuyan Islands or lumapit, habang pagsapit ng gabi ay unti-unting lalayo na ito ng ating kalupaan at patungo na sa West Philippine Sea hanggang sa makalabas ng Philippine area of responsibility sa Sabado ng umaga.”
Samantala, base naman sa bagong update ng PAGASA ngayong 8:00 a.m. ay huling namataan ang bagyo sa distansyang 235 kilometers sa silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang hanging 45 kilometers per hour malapit sa gitna at bugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Kasalukuyan itong kumikilos pa-kanluran sa bilis na 30 kilometers per hour.
Nakataas ang “tropical signal no. 1” o malakas na hangin sa Batanes, Babuyan Islands, at Northeastern portion ng mainland Cagayan.
Ayon kay Estareja, posible pang lumakas si Obet mamayang gabi, pero inaasahan itong lumabas ng bansa sa Sabado, Oct. 22.
Bukod sa bagyo, binabantayan din ng weather bureau ang isa pang namumuong sama ng panahon sa labas ng bansa at sinabing posible itong pumasok sa ating teritoryo.
“Meron din tayong namataan na cloud clusters dito sa labas ng ating area of responsibility over the Pacific Ocean, so maaaring may mabuo dito na weather disturbance over the weekend at pumasok sa ating area of responsibility early next week,” ayon sa PAGASA.
Read more:
Bagyong Obet posible pang lumakas, Signal no. 1 nakataas sa bahagi ng Northern Luzon
Bagyong Neneng tumama sa Cagayan, signal no. 3 itinaas na
Bagyong ‘Neneng’ tatama sa Batanes o Babuyan Islands, Signal #3 posibleng itaas sa Luzon