Robin Padilla nagtataka sa pagkahumaling ng Pinoy sa K-Drama: Mas pogi naman kami!

Robin Padilla nagtataka sa pagkahumaling ng Pinoy sa K-Drama: Mas pogi naman kami!
LUBOS ang pagtataka ng actor-politician na si Robin Padilla kung bakit mas bet ng Pinoy viewers ang panood ng Korean dramas kaysa tangkilikin ang sariling atin.

Sa naganap na 2023 budget hearing ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) nitong Martes, Oktubre 18, ay inihayag ng senador ang kanyang saloobin hinggil dito.

Ayon kay Sen. Robin, naguguluhan daw siya sa nangyayari dahil para sa kanya ay mas guwapo pa rin ang mga Filipino artists kaysa sa mga taga-South Korea.

“Kami po ay naguguluhan dahil kapag tumitingin naman kami sa salamin… mas pogi naman kami sa mga tiga-South Korea. Wala naman inayos sa amin, kasi itong ilong ko kahit suntukin nang ilang beses, walang inayos dito,” saad ng senador.

Dagdag pa ni Sen. Robin, “Bakit po mas gustong panoorin ng ating mga kababayan ang gawa ng mga Koreano kaysa sa gawa natin?”

Matatandaang kamakailan ay naging matunog ang isyu sa K-Drama buhat nang magpahayag si Sen. Jinggoy sa kanyang pagbibigay ng konsiderasyon na i-ban o ipagbawal ang pagpapalabas ng K-Dramas at iba pang foreign shows sa Pilipinas para tangkilikin ng mga Pilipino ang mga locally made shows and movies.

Panukala naman ni Sen. Robin, dapat raw ay taasan na lamang ang taripa o tax ng mga foreign series na ipinapalabas sa Pilipinas.

Aniya, “Maaari po bang taasan natin itong tax ng mga foreign series na pumapasok sa atin para kahit paano po ‘yung subsidiya nito bigay natin sa mga workers sa industriya natin, sa local, kung paano po ginawa natin diyan sa rice tariffication, gawin nating foreign teleserye tariffication dahil marami pong nawawalan ng trabaho dito.

“Ang hirap naman pong i-ban natin sila pero dapat po siguro maging patas lang po tayo kawawa po ang ating industriya,” dagdag pa ni Sen. Robin.

Sang-ayon naman ang FDCP Chairman na si Tirzo Cruz III na dapat ay magkaroon ng balanse pagdating sa mga ipinalalabas na serye o pelikula sa bansa, dayuhan man o lokal.

“I do believe we Filipinos are better as filmmakers, as actors, but maybe it’s because we’ve been left behind technology-wise and preparation-wise that we can’t be at par with them now,” saad ni Tirso.

Miyerkules, Oktubre 19, nilinaw naman ni Sen. Jinggoy na ang kaniyang mga pahayag ay “out of frustration” lamang.

Related Chika:
Chito Miranda sa kakulangan ng suporta sa local shows: Targeting foreign shows or acts is not the solution

Jinggoy gustong ipa-ban ang mga K-drama sa Pinas, pero sey ni Robin taasan na lang ang tax ng foreign series

Jinggoy Estrada kumambiyo sa pagpapa-ban sa K-drama: Huwag naman nating balewalain ang likha ng mga kapwa nating Pilipino

Read more...