Barbie Forteza shookt sa mga papuri ng Pinoy viewers sa ‘Maria Clara at Ibarra’: Hindi po namin inaasahan ‘to!
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Barbie Forteza, Dennis Trillo at Julie Anne San Jose
SHOOKT pa rin ang Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza sa natatanggap niyang papuri dahil sa pagganap niya bilang Klay sa GMA teleserye na “Maria Clara at Ibarra.”
Abot-langit ang pasasalamat ng dalaga sa tinatamasang tagumpay ngayon ng kanilang historical portal fantasy series na pinagbibidahan din nina Dennis Trillo at Julie Anne San Jose.
In fairness, bagay na bagay naman kasi kay Barbie ang role niya sa programa bilang si Klay, a Gen Z nursing student na na napadpad sa kuwento ng mga nobela ni Jose Rizal na “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.”
Sa bagong YouTube vlog ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz nagbigay nga ng pahayag si Barbie tungkol sa nararamdaman niya ngayong sikat na sikat si Klay sa buong Pilipinas at sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Hindi ko po ma-describe how exactly I feel right now, kasi po, hindi rin naman po talaga namin inaasahan na magiging ganito kalaki at kainit ang pagtanggap sa amin ng audience.
“So, parang lahat din nagulat, lahat din talagang nasa cloud nine ngayon to receive such good feedbacks from everyone,” lahad ng aktres.
Patuloy pa niya, “Isa sa mga ikinatataba po ng puso ko ngayon ay bukod sa siyempre marami po humanga, e, maraming naka-relate.
“At maraming, naaapektuhan sa karakter ni Klay, dahil ‘yun naman din po talaga ang goal ko nung ginawa ko po ‘yung karakter ni Klay na gusto ko siya maging as real as possible.
“Gusto ko talagang, maging totoong tao siya para kapitan talaga siya ng tao. Para makisimpatiya sa kaniya, para sundan ‘yung journey niya sa loob ng Noli,” aniya pa.
Natutuwa rin ang aktres dahil pati ang mga estudyante ay tumututok sa kanilang serye bilang bahagi na rin ng pag-aaral nila sa buhay ni Rizal at sa kanyang mga nobela.
Napapanood ang “Maria Clara at Ibarra” GMA Telebabad, 8 p.m.. Kasama rin dito sina Rocco Nacino, David Licauco, Juancho Trivino, Tirso Cruz III, Ces Quesada at marami pang iba, sa direksyon ni Zig Dulay.