NAKAKITA na ba kayo ng kotse sa tubig?
Nako, meron niyan sa Malolos, Bulacan at ang nakakatuwa pa ay inimbento ito ng isang pinoy na si Roel Cruz, isang seaman at owner ng seafood restaurant na “Unli Crabs and Prawns Malolos.”
Ang tawag ni Roel sa mga mala-”sports car” niyang jetski ay “Sport Jetcar.”
Nakapanayam ng BANDERA si Roel at sinabi niya na naisipan niya itong gawin para ma-promote ang turismo sa kanilang probinsya.
Sey pa niya, “gusto ko iangat ang turismo sa bulacan.”
Nagkwento siya sa amin na nagsimula sa isang pangarap ang paggawa niya ng “sport jetcar” matapos magpunta sa Amerika.
“Sobrang na-amazed ako nung makita ko ng personal ang kotse sa dagat, nasa America ako nun,” sabi niya.
Ipinagmalaki rin ni Roel sa amin na “affordable” ang kanyang mga customized jetski at tipid pa sa gas.
Chika niya samin, “Kung ang jetcar sa ibang bansa nagkakahalaga ng $55,000 or more or less 3.2 million pesos, nakaya ko makagawa nito sa halagang P300,000.
“Ang speed nya 50 knots, Ferrari at Lamborghini ang design.
“Low maintenance, gas and go lang palagi and low fuel consumption, 8 liters per hour.”
Halos anim na buwan daw pina-plano ni Roel ang paggawa ng mga ito, habang dalawang buwan naman para magawa ang “sport jetcar.”
Sa ngayon, mayroon na siyang dalawang sport jetcar na nagawa.
At para naman sa mga “curious” diyan kung paano nakaimbento ng seacraft ang isang chef, well, nabanggit ni Roel sa BANDERA na nag-aral siya ng “mechanical engineering,” pero hindi niya raw ito natapos dahil sa hirap ng buhay.
Sabi niya, “Dati ako mechanical engineering.
“Hindi ko lang natapos kasi kapos talaga kami need ko ng mag work, then nung nagka-work at nakaipon nag-aral ulit ako ng ibang kurso.”
Naging inspirasyon sa marami ang istorya ni Roel.
Mensahe pa niya, “Just keep going.
“May kanya kanya tayo panahon.
“The more na nahihirapan sa tinatahak mo, mas ma-apreciate mo ang tagumpay.
“Be humble and be your family your first priority.”
Read more:
P5k budget ng magdyowang nagpakasal sa Rizal viral na; wedding ring nabili sa halagang P999
Letter na nagpaiyak sa mga netizens viral na: ‘Hindi ko man kagustuhan, sorry Panda…’