‘CPR’ scene ni Kathryn Bernardo sa ‘2 Good 2 Be True’ trending, kinarir ang training para hindi ma-bash
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Kathryn Benardo
TALAGANG kinarir pala ni Kathryn Bernardo ang training para sa cardiopulmonary resuscitation (CPR) scene niya sa isang episode ng hit Kapamilya series na “2 Good 2 Be True”.
Naging isa sa top trending topic sa Twitter at talagang pinag-usapan nang bonggang-bongga sa social media ang nasabing eksena kasabay ng papuri sa buong produksyon.
Ang nagkakaisa kasing komento ng mga nakapanood sa nasabing eksena kung saan binigyan ng CPR ni Kathryn ang isang lalaking nawalan ng malay, halatang pinag-aralan at alam na alam ng aktres ang kanyang ginagawa.
Sa isang video na ipinost ng ABS-CBN Entertainment sa kanilang official website, makikita nga si Kathryn kasama ang direktor nilang si Mae Cruz-Alviar na nanonood sa isang demonstration tungkol sa tamang technique ng CPR.
Bukod dito, mapapanood din sa video ang leading lady ni Daniel Padilla sa “2 Good 2 Be True” na nagte-training para sa tamang pagsasagawa ng CPR kasama ang ilang medical frontliners.
Maririnig din si Kathryn na nagtatanong kung tama ba ang posisyon ng kanyang kamay, ang paggalaw niya sa katawan ng biktima, ang tungkol sa compression rate, speed, at ang mga dapat itanong sa pasyente.
Para sa mga hindi pa masyadong aware tungkol sa CPR, ayon sa isang health website, “This is a first-aid procedure performed to provide oxygenation and circulation to the body during cardiac arrest.”
Sa episode last Friday ng”2 Good To Be True”, napanood ang eksenang nagtungo si Nurse Ali (Kathryn) sa isang clinic kung saan naabutan niya si Diego (Archie Adamos), ang taong posibleng makapagbigay ng ebidensa laban sa kasamaan ni Helena (Gloria Diaz).
Biglang inatake sa puso si Diego at nawalan ng malay kaya agad na sumaklolo si Ali at nagpakilalang nurse sa kasama nito saka isinagawa ang CPR.
Narito ang ilan sa mga comments ng netizens sa nasabing trending na eksena ni Kath.
“Goosebumps tong scene ng CPR na ‘to ramdam mo un bawat atake ng mga pangyayari. Galing mo @bernardokath halos lumabas na un ugat sa braso mo #2GTBT.”
“Ganyan dapat! Hindi yung puro bloopers. Nice one Kath! Para talagang totoong nurse hindi lang basta acting, factual at makatotohanan din. Hindi tulad ng iba dyan!”
“This is how you measure an actress’ dedication towards work! Galing mo Kathryn Bernardo! #2GoodToBeTrue.”
“The way she tapped the shoulder first to know if the pt. is conscious or not, checking the carotid pulse, check if the pt. is breathing, headtilt that was bravo CPR scene?@bernardokath nailed it Congrats to the whole team of #2GoodToBeTrue.”
Una nang hinangaan ng manonood si Kathryn nang gawin niya ang Function Analysis System Technique (FAST) sa isang eksena sa serye kung saan na-stroke naman si Lolo Hugo (Ronaldo Valdez).