Darryl Yap puring-puri ang ‘Maria Clara at Ibarra’ nina Barbie, Dennis at Julie Anne: Hindi nakakabato, hindi kailangan ng hype
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Darryl Yap, Barbie Forteza, Dennis Trillo at Julie Anne San Jose
IN FAIRNESS, pinuri nang bonggang-bongga ng “Maid In Malacañang” director na si Darryl Yap ang pinakabagong historical portal fantasy series ng GMA na “Maria Clara at Ibarra.”
Ayon kay Direk Darryl, hindi raw nakakabagot o nakaka-bore ang teleseryeng pinagbibidahan nina Barbie Forteza, Dennis Trillo at Julie Anne San Jose.
Aniya, ang “Maria Clara at Ibarra” raw ang ikatlong GMA show na talagang susubaybayan niya bukod sa mga anime na “Ghost Fighter” at “Starla and the Jewel Riders.”
Sa kanyang Facebook page, sinabi ng controversial director na, “MARIA CLARA at IBARRA. HINDI NAKAKABATO, HINDI PILIT ANG LIPAD NG ISTORYA, HINDI KAILANGAN NG HYPE—maganda talaga.”
Kasunod nito, binati rin ni Direk Darryl ang creative consultant ng nasabing Kapuso show na si Suzette Doctolero pati na si Barbie at ang director ng teleserye.
“Congrats po Suzette Severo Doctolero and the rest of the team! looking forward to the next episodes, nagulat ako kay Barbie Forteza, she’s effective.
“Congrats Zig Dulay, buti nasabi ni Roanna Marie na ikaw ang direktor,” mensahe pa ng direktor.
Umiikot ang kuwento ng serye sa buhay ni Klay (Barbie), isang Gen Z na mapapadpad sa mundo ng mga nobela ng Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal, ang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo.”
Nais ng buong produksyon na sa pamamagitan ng “Maria Clara at Ibarra” ay mailapit muli ang mga kabataan ng henerasyong ito sa mga aral na mapupulot sa dalawang makabuluhan at napapanahon pa ring kuwento ng mga nobela ni Rizal.
Nauna rito, bukod sa mga eksena niya with Dennis and Julie Anne, bilang sina Ibarra at Maria Clara, hinding-hindi rin makakalimutan ni Barbie ang mga scenes niya with Tirso Cruz III na gumaganap bilang ang mapang-aping prayle na si Padre Damaso.
“‘Yun ‘yung isa sa mga gusto ko talaga, yung hindi ko inaasahan na maapektuhan ako. May mga eksena kasi na mabigat, kailangan mong mag-actor’s cue.
“May mga eksena naman na mabibigla ka na maaapektuhan ka, not just doon sa eksena pero sa kaeksena mo, ‘yung flow noong eksena. Isa ‘yun sa mga hindi ko makakalimutan,” ani Barbie.