Andrea del Rosario feeling-Kate Winslet; planong manirahan sa US para sa inaasam na ‘Hollywood dream’
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Andrea del Rosario
NANGANGARAP din ang magaling na aktres at dating member ng Viva Hotbabes na si Andrea del Rosario na makagawa ng mga proyekto sa Hollywood.
Nagpaplano nang minirahan pansamantala sa Amerika si Andrea para subukan ang kanyang kapalaran sa international entertainment scene.
Ayon sa aktres at dating public servant, wala naman daw masama sa mangarap at abutin ang matagal na niyang inaasam na showbiz career sa ibang bansa.
Sa nakaraang presscon ng bago niyang pelikula sa Viva Films, ang LGBTQIA+ movie na “May-December-January”, talagang pinuri siya ng direktor nitong si Mac Alejandre at ng scriptwriter at National Artist na si Ricky Lee.
Talagang nabigyan daw ni Andrea ng hustisya ang kanyang karakter bilang isang nanay na nagparaya sa kanyang anak na bading matapos nitong magustuhan ang batang lalaking karelasyon niya.
“Sana makabalik pa rin ako at makagawa ng projects na something like this. This is a project that I can take to my auditions, Hollywood, Chicago.
“I might be based Chicago in the near future and I’m actually talking to some, hopefully, talent agencies.
“I guess, like other artists na they go back and forth, I’m hoping to do the same kasi hindi ko talaga tuluyang maiiwan ang Pilipinas,” ang pahayag ni Andrea tungkol sa plano niyang maka-penetrate sa Hollywood.
Super thankful din siya kina Direk Mac at Ricky Lee pati na kay Boss Vic del Rosario ng Viva, “I’m very flattered kasi paulit-ulit na sinasabi ni Direk Mac na ako talaga ‘yung napusuan para sa project.
“I’m very flattered kasi nga tinititigan ko yung sarili ko sa salamin, ang dami ko nang puting buhok.
“And to be given a project like this, obviously, they still see me that I still have the oomph and knowing that they could see that I can carry this movie for them, parang early Christmas gift for me.
“It’s a perfect project right now. Bihira sa edad ko na magkaroon ng project na nakikita pa rin nila yung acting, sex appeal, so happy ako.
“It’s been a while since I’ve done lead roles so when Boss Vic called me to do a lead movie, sa totoo lang, hindi na ako nakapag-isip. Napa-oo agad ko.
“Feeling ko, para akong si Kate Winslet sa The Reader because May-December-January is a wonderful project to be part of,” paliwanag pa ni Andrea.
Sabi pa nga niya sa amin, feeling daw niya ang Hollywood actress na si Kate Winslet ang peg niya dahil matagal na panahon din ang hinintay nito bago nabigyan ng magagandang proyekto na nagwagi pa ng best actress sa 81st Academy Awards noong 2009.