Kampo ni Willie Revillame nagpaliwanag ukol sa reklamo ng P1-M winner sa ‘Wowowin’

Kampo ni Willie Revillame nagpaliwanag ukol sa reklamo ng P1-M winner sa 'Wowowin'
NAGPALIWANAG ang kampo ni Willie Revillame ukol sa reklamo ng “Pera o Kahon” winner na hindi pa natatanggap nang buo ang kanyang premyo.

Unang pumutok ang balita ukol rito sa YouTube vlog ni Ogie Diaz na “Showbiz Update” kung saan nakausap nila ang kapatid ng diumano’y nanalo ng isang milyon sa isa sa naging segment ng “Wowowin”.

Ayon sa taong nakapanayam ng talent manager ay P400,000 pa lang ang kanilang natatanggap mula sa premyong napanalunan nila noon pang October 2021 mula sa show ni Willie.

Sa katunayan ay naka-post rin ito sa mismong official Facebook page ng ng “Wowowin” noong October 31, 2021.

Kwento pa ng kapatid ng nanalo, noong March 2022 lang rin nila nakuha ang partial amount ng kanilang napanalunan at sila rin daw ang maghabol sa sponsor dahil wala na raw si Willie sa GMA.

Kaya naman sa episode ng “Cristy Ferminute” noong Lunes, October 3 ay ibinahagi ng kolumnista ang naging paliwanag ng kampo ni Kuya Wil hinggil sa lumabas na isyu.

Ayon kay ‘Nay Cristy, bigla raw nawala ang sponsor na Zed Philippines kaya hindi raw naibigay ang papremyo sa nanalo.

“‘Yung sponsor ng 1M, bigla siyang nawala. Ang ginawa pala ni Willie, siya na ang nag-abono. Nasa GMA-7 pa siya noon. Siya na ang nag-abono ng P400,000 atsaka may mga pinirmahan naman pala ang mga ito. Mayroon na rin silang quick claim,” lahad ni ‘Nay Cristy.

Aniya, mahirap daw talaga kapag may show ka na namimigay ng papremyo tapos biglang uurong ang sponsor.

“Isipin mo nag-abono pa pala si Willie ng P400,000 tapos nawalang bigla yung dapat na sponsor… ng P1M,” sey ni ‘Nay Cristy.

Dagdag pa niya, hindi rin daw ito kasalanan ng TV host-comedian at ng GMA-7 at ang may kasalanan ay ang sponsor na bigla na lang nawala at hindi tinupad ang kanilang sponsorship.

Hirit pa ni Romel Chika, si Willie pa nga raw ang naiipit sa isyu lalo na’t siya ang host ng naturang programa at kahit wala siyang kinalaman ay siya ang hinahabol ng nanalo.

Samantala, ayon nga rin sa naging panayam ni Ogie sa nanalo sa “Pera O Kahon” ay napilitan silang pumirma sa agreement na ibinigay sa kanila para makuha ang wala pa sa kalahati na halaga ng kanilang napanalunan kaysa naman daw wala silang matanggap na pera.

Bukas naman ang BANDERA para sa panig ng kampo ng “Wowowin”, pamilya ng nanalo, at ng naturang sponsor ng cash prize upang mas mabigyang linaw ang kasalukuyang isyu na kinasasangkutan nila.

Related Chika:
Willie umaming nalugi ng P140-M dahil sa ‘Wowowin’

Vhong napaiyak nang bigyan ni Willie ng P1-M bilang tulong matapos mabugbog at maospital

Bagong kontrata ng ‘Wowowin’ sa GMA handa na, pero si Willie ang hindi pumirma, bakit nga kaya?

Willie Revillame: Hindi ko kayang pumirma sa GMA tapos nagta-trabaho ako sa ibang channel

Read more...