PETRON PINAPABORAN LABAN SA RAIN OR SHINE
Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. Petron Blaze vs Rain or Shine
HEAVY favorite ang Petron Blaze kontra Rain or Shine sa best-of-five semifinals series ng 2013 PBA Governors’ Cup na magsisimula mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Ang Boosters ay may nine-game winning streak matapos na matalo sa kanilang unang laro sa torneo.
Kabilang sa mga panalong ito ang 101-94 tagumpay kontra Barangay Ginebra San Miguel noong Huwebes upang tuluyang marating ng Boosters ang semis.
Mabilis na ruta rin ang tinahak ng defending champion Elasto Painters nang talunin nila ang Global Port, 108-106, sa quarterfinals.
Subalit mabigat ang naging kapalit ng panalong iyon dahil sa nagtamo ng torn calf muscle ang pambato ng Rain or Shine na si Paul Lee, ang Rookie of the Year awardee ng nakaraang season. Malamang na hindi siya makapaglaro hanggang sa katapusan ng semis o maging ng season sakaling makalusot ang Elasto Painters sa Boosters.
Sa kanilang pagkikita sa elimination round noong Agosto 23 ay dinaig ng Petron Blaze ang Rain or Shine, 99-84.
Sa kabila ng mga bentaheng ito ay pinaalalahanan ni Petron head coach Gelacio Abanilla III ang kanyang mga bata na hindi uubrang magkumpiyansa sila ng husto dahil sa kaya ng Rain or Shine na manorpresa.
Katunayan, mas gusto ng Elasto Painters na naglalaro bilang underdogs sa isang serye.
Sa import matchup ay magtutuos sina Elijah Millsap ng Petron at Arizona Reid ng Rain or Shine.
Si Millsap, ayon sa mga eksperto, ang siyang pinakamahusay sa mga imports ng kasalukuyang torneo. Si Reid naman ang Best Import ng torneo dalawang taon na ang nakalilipas.
Si Millsap ay tutulungan nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz, Marcio Lassiter at June Mar Fajardo.
Umaasa si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na puputok ang mga Gilas Pilipinas members na sina Jeff Chan at Gabe Norwood na tutulungan nina Beau Belga, JR Quinahan, Chris Tiu at Ryan Araña na naging Best Player ng laban nila kontra Global Port.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.