ITINANGGI ng kolumnistang si Cristy Fermin ang kumakalat na balitang may mga politiko raw na nangingialam sa kasalukuyang kaso ng TV host-comedian na si Vhong Navarro.
May mga lumabas kasing mga balita sa mga kahina-hinalang vlogs na humingi raw ng tulong ang “It’s Showtime” host sa mga politiko na mula rin sa showbiz industry gaya ng mga senador na sina Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Lito Lapid, JV Ejercito pati na rin si Grace Poe dahil sa diumano’y posibleng manggipit sa kanyang kampo kaugnay sa kasong kinakaharap.
Kaya naman sa kanyang show na “Showbiz Now Na” kung saan kasama niya sina Romel Chika at Morly Alinio ay napag-usapan nila ang chikang ito. Ayon sa kolumnista, wala namang katotohanan ang mga kumakalat na balita na may mga politikong nangingialama sa kasong kinakaharap ni Vhong.
“Wala pong politiko na magsasabi ng kanilang opinyon na di naaayon sa batas,” saad ni ‘Nay Cristy.
Anila, hindi naman daw isasangkalan ng mga politiko ang kanilang mga pangalan para sa kaso ni Vhong na ang korte lang ang dapat magpasya.
“Hindi nila kakalabanin ang hukuman… No one is above the law. Wala pong kahit na sino ang mas mataas pa kaysa sa batas,” pagpapatuloy pa ni ‘Nay Cristy.
Chika pa nila, maaari raw na ang mga senador na nabanggit ay nakikisimpatya lamang kay Vhong lalo na’t pare-parehas silang nanggaling sa showbiz ngunit paniguradong hindi mangingialam ang mga ito sa kaso ng komedyante.
Kaya namna para kina ‘Nay Cristy ay palaisipan pa rin kung sino ang politikong tinutukoy na diumano’y nilapitan ng komedyante subalit hindi siya tinulungan at ipinasa pa siya sa ibang tao.
Samantala, nagbabala naman ang mga “Showbiz Now Na” hosts na maging mapanuri sa mga balitang binabasa at pinapanuod.
“Kaya mag-ingat po tayo sa panonood, pagtutok sa mga balita na wala naman pong katotohanan,” paalala ni ‘Nay Cristy.
Dagdag pa niya, “Meron po kasing nauuna, nauuna sa batas. Mahirap po ‘yung ganoon. Piliin po natin ‘yung mga panonoorin natin. ‘Yung alam nating mayroong alam.”
Sey pa niya, “Huwag lamang pong pangunahan ang batas. Hindi pa po nakalalaya si Vhong Navarro. Wala pong intensyon ang mga politikong binanggit namin na pangunahan ang batas at siya’y palayain.
“Sa kadulu-duluhan ng kwentong ito, isa lang ang kahihinatnan. Hukuman pa rin ang huhusga sa kaso.”
Related Chika:
Deniece Cornejo nagpetisyong ilipat sa Taguig City Jail si Vhong Navarro
Paglaya ni Vhong Navarro sa kulungan fake news; vlogger binantaang ire-report ni Ogie Diaz dahil…