INAANYAYAHAN ng DSWD-DROMIC ang lahat na magkaroon ng emergency kits o Go-bag.
Bilang mga Pilipino, kinakailangang maging handa lalo pa’t madalas ang iba’t ibang kalamidad tulad ng bagyo at lindol sa Pilipinas. Kung matatandaan ay bahagi ang ating bansa sa tinatawag na Pacific Ring of Fire na pinakamadalas makikitaan ng iba’t ibang sakuna.
Ang GO-BAG ay isang emergency-preparedness bag na naglalaman ng mga pangunahing pangangailangan para sa isang handa, ligtas, at protektadong pamilya sa gitna ng mga sakuna. Inaasahan na ang maiimbak rito ay magagamit nang at least tatlong araw o 72 hours kung sakaling tamaan ng kalamidad.
Ipinapaalala rin na ilagay ito sa lugar kung saan mabilis at madaling makuha sa oras ng emergency evacuation o tuwing kinakailangan.
Narito ang ilang mga gamit na inaasahang lalamanin ng Go-bag:
Isang mahalagang gamit ay ang hygiene kits na gagamitin sa pansariling kalusugan at kalinisan. Marapat na maglagay ng anti-bacterial soap, toothbrush, toothpaste, sanitary napkin para sa mga babae, at diapers at wet wipes para sa mga sanggol at matatanda.
Mahalaga ring magkaroon ng malilinis na damit na maaaring pampalit kung sakaling tatagal ang sakuna. Maaari ding magtabi ng mosquito repellant upang makaiwas sa bagsik pa ng mga lamok na nagdadala ng dengue.
At siyempre, ngayong may pandemya pa, mahalaga ang COVID-19 safety kit na naglalaman ng face mask, hand sanitizer o alcohol at iba pang safety gears kung mayroon.
Mahalaga ring mag-imbak ng pagkain at medisina na tatagal sa loob ng tatlong araw para sa Go-bag. Unahin ang malinis na inuming tubig gayon na rin ang mga ready-to-eat at hindi madaling mapanis na pagkain tulad ng mga de-lata at instant noodles. Siguraduhin at tiyakin na hindi pa lumalampas sa expiration date ang mga ito.
Marapat lang na mai-secure din ang first aid kit na naglalaman ng basic healthcare needs tulad ng alcohol, band-aids, antiseptics, bandages, tweezer, thermometer, at iba pa. Idagdag rin ang mga gamot para sa lagnat, ubo, sipon, pagtatae, at iba pang pinakamadalas na sakit na madaling makuha sa paligid.
Huwag ding kalimutang bitbitin ang bitamina at maintenance medicine kung mayroon man.
Para masigurong ligtas sa dinaraanan o daan, kailangan din ang mga emergency tools sa isang Go-bag.
Maaring isabit bilang basic emergency tool sa bawat miyembro ng pamilya ang flashlight (crank-type o de-baterya) at pito.
Mahalagang magdala rin ng fully charged power bank para sa mga gadyets o iba pang kagamitan, de-bateryang radyo, lapis/bolpen at notebook, at listahan ng emergency numbers (kasama ang LGU) para sa pagtatala ng mga pangangailangan at komunikasyon sa gitna ng kagipitan.
Mahalaga rin ang extra kandila at posporo ngunit maging maingat lamang sa paggamit nito. Kakailanganin din ang lubid at kapote lalo na tuwing tag-ulan at babaha.
Para naman sa mga chikiting, maaaring magdala ng laruan o gamit na magbibigay-aliw at pampatanggal ng bagot para sa kanila.
At panghuli, huwag na huwag kalilimutan ang mga pinakaimportanteng dokumento na magiging identipikasyon ng bawat isa sa pamilya.
Bitbitin ang mga government-issued IDs o ID na nakasulat ang blood type at emergency contacts. Maaari ding ilagay sa isang safe envelope ang mga passport, birth at marriage certificates, property at insurance documents, medical record, at iba pa.
Syempre, mahalagang magkaroon ng extra cash, at i-secure ang ATM card o passbook para sa mga hindi inaasahang pangangailangan.
Ilan lamang ito sa mga inirerekomendang lalamanin ng inyong Go-bag. Mabuting maihanda ito upang maging ligtas, maagap, at protektado hindi lamang ang sarili kundi pati ang buong pamilya.
Higit sa lahat, at pinakaimportante sa lahat, ihanda ang sarili sa anumang maaaring mangyari. Maging maalam sa safety at emergency protocols, at makibalita sa mga kapita-pitagang news at media organizations.
Be #AlwaysReady sa mga sakuna bitbit ang Go-bag!
Basahin ang iba pang tips:
Earthquake safety tips na dapat mong tandaan
Tips vs ‘motor-nap’
5 tips para makaiwas sa aksidente sa kalsada