ILANG ulit nang kinatawan ni Chelsea Fernandez ang Tacloban City sa iba’t ibang national beauty pageants nang ilang taon. At natupad na sa wakas ang panalangin niyang maisuot ang sash na “Philippines” nang masungkit niya ang korona bilang Binibining Pilipinas Globe nitong Hulyo. Ngunit may kaakibat na higit na bigat ang nalalapit niyang overseas assignment kaysa iba sapagkat tatangkain niyang maibigay sa bansa ang back-to-back sa Miss Globe pageant.
Si Bb. Pilipinas Maureen Montagne ang kasalukuyang Miss Globe, at umaasa si Fernandez na maipasa sa kanya ang international crown sa pagtatapos ng 2022 pageant sa Tirana, Albania, sa Okt. 15 (Okt. 16 sa Maynila).
“Back-to-back is hard, but not impossible,” sinabi ng Taclobanon sa Bb. Pilipinas send-off program para sa kanya at sa dalawa pang kinatawan ng bansa na isinagawa sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Set. 19.
Kasabay niya sa send-off si Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano na tutulak sa Egypt para sa 2022 Miss Intercontinental pageant sa Okt. 14 (Okt. 15 sa Maynila), at si Bb. Pilipinas Grand International Roberta Tamondong na pupunta sa Indonesia para sa 2022 Miss Grand International contest sa Okt. 25.
Sinabi ni Chelsea na makaaasa ang Pilipino na “fiercer and stronger” na siya ngayon.
Nagtimpi pa muna siya nang sumali siya sa Bb. Pilipinas. Ngunit kung may takot pa siya sa pagtuntong sa national pageant stage, nagkaroon na siya ng lakas makaraang masungkit ang titulo. “I gained faith in myself. I told myself, ‘you can do it, you’re just doubting yourself,’” ibinahagi ni Fernandez.
Hindi pa niya nakakausap nang sarilinan si Montagne upang talakayin ang Miss Globe pageant, ngunit sinabi ni Fernandez na natutunan niya sa Bb. Pilipinas predecessor niya kung paanong maging mabuti.
“Whatever situation you are in now, whether it’s negative or positive, you always have to smile, and you always have to show that you are kind. That’s how she is,” ani Chelsea.
Inulat naman niyang kumpleto na ang competition wardrobe niya. “We had a photoshoot yesterday for my OOTDs (outfit of the day), for gown, and costume,” aniya.
At dahil mabilis siyang ginawin, kasama ang mga jacket sa OOTD niya sapagkat magiging labis na malamig para sa kanya ang panahon sa Albania sa Oktubre.
Beterana na ng pageants si Chelsea. Kinoronahan siyang Miss Tacloban noong 2017, at hinirang na Reyna ng Aliwan noong 2018. Tinanggap niya ang korona bilang Miss Philippines Water sa 2019 Miss Philippines Earth pageant, at nasungkit ang titulo bilang Miss Bikini Philippines sa isang virtual competition noong 2020. Siya rin ang national director ng 2021 Miss FIT Philippines pageant.
Related Chika:
Samantha Panlilio aariba na para sa Miss Grand International 2021
Pinay sa Hawaii kinatawan ng Pilipinas sa Mrs. World pageant
Jo Koy, Chelsea Handler naghiwalay na; ini-record na 1st anniversary video inilabas pa rin
Bb. Pilipinas Globe Chelsea Fernandez binansagang ‘tough 12’ ang finalists ng pageant