Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano ‘Pasabog Queen’
NANG rumampa ang mga kasalukuyang reyna ng Binibining Pilipinas pageant sa send-off program para sa tatlong kinatawan ng bansang lalaban sa susunod na buwan, lahat sila nakasuot ng mararangyang gowns maliban sa isa.
Isang nagniningning na jumpsuit na pinaulanan ng mga kristal at may mala-kapang mga manggas na sumayad sa sahig ang ibinida ni Bb. Pilipinas Intercontinental Gabrielle Basiano.
At tulad ng inaasahan, isa na naman itong pasabog mula sa dilag na hinirang na “Best in Long Gown” sa dalawang magkasunod na edisyon ng pambansang patimpalak.
Binansagang “Pasabog Queen” ang 2021 runner-up dahil sa mga di-pangkaraniwang gown na dinala niya nang mahusay sa entablado ng Bb. Pilipinas pageant nang dalawang magkasunod na taon. Ang una may nakakabit na belong gawa sa mala-perlas na beads, and isa naman may katernong salakot.
At hindi nagpadaig ng outfit niya sa send-off program sa Novotel Manila Araneta City sa Quezon City noong Set. 19. “Ito (tinuro ang mga manggas)? Since sa Egypt tayo pupunta, ito na iyong unti-unting pagsabi ng ‘Egypt, I’m on my way,’” sinabi niya sa Inquirer sa isang panayam.
Ibinahagi niyang ang team niya ang nakaisip na muli siyang magpaandar sa kaniyang send-off.
Target ni Basiano na mabigyan ang Pilipinas ng back-to-back sa ika-50 Miss Intercontinental pageant na itatanghal sa Sharm El Sheik sa Egypt sa Okt. 14 (Okt. 15 sa Maynila), at manahin ang koronang kasalukuyang hawak ng dati niyang Bb. Pilipinas batchmate na si Cinderella Faye Obeñita.
Sinabihan umano siya ng intercontinental queen na mag-enjoy at magpakatotoo. “Sabi niya talagang kaya ko. So I’m holding on to that. Motivation ko ang words na iyon,” ibinahagi pa ni Basiano.
Pinakahinahangaan din niya kay Obeñita ang tiwala nito sa sariling kakayahan. “We all know na Cindy naman at first hindi siya ine-expect ng lahat, pero hindi siya nagpatalo doon,” ani Basiano.
Mula nang makoronahan nitong Hulyo, naging abala na si Basiano hindi lang sa paghahanda kundi maging sa mga panayam ng midya at sa mga tungkulin niya sa Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI). “Nakakatuwa lang na andami kong nagawa in two months. Super bilis, parang feeling ko naging robot ako,” pagbibiro pa niya.
Ngunit makaraan ang lahat ng pinagdaanan niya, sinabi ni Basiano na naging mas bukas na siya sa opinion at mga mungkahi ng ibang tao kaugnay ng pagnanais niyang mapanatili sa Pilipinas ang korona ng Miss Intercontinental.
“I’ll be giving my best and of course, aim for that back-to-back crown, so sana ipagdasal ako ng mga Pilipino,” pakiusap naman niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.