NAG-REACT ang talent manager, comedian, at vlogger na si Ogie Diaz sa naging production number ni Toni Gonzaga nang u-launch ang bagong TV network na ALLTV.
Nitong Huwebes, Setyembre 15, diretsahang nagbigay komento ang talent manager na ibinahagi niya sa kanyang Facebook post.
“Nangiti lang ako nu’ng una, eh. Hanggang sa mapabungisngis na ako kalaunan habang pinanonood ang prod ng aking kumareng Toni,” umpisa ni Ogie.
Aniya, ganito raw ang mga klase ng production number na napapanood niya noong araw sa GMA Supershow ng yumaong si Kuya Germs at tingin niya maski ang kumare niya ay hindi matutuwa kapag napanood nito ang kanyang performance.
“Pero sana, mag-invest nang bongga sa sound system o sa recording. Baka kahit si Toni kung panonoorin uli ito, hindi niya ipagmamalaki yung performance niya, eh. Lalo na yung audio niya,” lahad ni Ogie.
Naiintindihan naman daw ng talent manager ang mga technical difficulties na nangyari sa launching ng ALLTV dahil bago pa lang ito.
“Di bale, nag-uumpisa pa lang naman. Pasasaan ba’t maaayos din ito. Na-bother lang talaga ako nang slight. Kasi, sa mga singers, big deal talaga sa kanila ang audio at sound system, eh. Baka gusto lang talagang mag-perform ni Toni at magbigay-saya,” sey pa ni Ogie.
Samantala, aminado naman si Willie Revillame na may mga naging problema talaga sa araw ng kanilang launching lalo na’t sa roof deck ng Wil Tower ito naganap at hindi sa isang studio.
“Napagod tayo, medyo malat na kami, ilang gabi na kaming hindi natutulog para mapaganda yung programa.
“Siyempre, may technical difficulties kami, birth pains ‘yan kung tawagin. Mahirap, yung mga audio namin, nahirapan dahil hindi naman po studio itong Wil Tower,” pahayag pa ni Willie.
Chika pa niya, talagang ginawan lang nila ng paraan na maglaunch ngayong buwan para sa mga Pilipino lalo na’t paparating na ang Kapaskuhan.
Hirit ni Willie, “Ginawan lang po ng paraan kasi kung magsisimula kami ng January 2023, sayang naman po yung Kapaskuhan.
“Ang sabi ng [former] Senate President Manny Villar, sabi niya, ‘Willie, puwede mo nang simulan ‘yan itong September. Una, anibersaryo namin ni Senadora Cynthia Villar, wedding anniversary. Isabay na natin at magpa-Pasko, para makapagpasaya tayo ng ating mga kababayan.’ So, hindi man kami handa, naging handa kami para sa inyo.”
Related Chika:
Ogie Diaz may patutsada sa taong ayaw magbayad ng utang