Misters of Filipinas pageant baka magdagdag pa ng titulong paglalabanan
NAGSIMULA nang gumulong ang ikasiyam na edisyon ng Misters of Filipinas pageant ngayong taon, na may limang titulong igagawad sa coronation night nito.
Ngunit maaari pa itong magbago ngayong sinabi ng organizer na Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation Inc. na nasungkit nila ang lisensya sa isa pang international competition.
Sa isang Facebook post nito noong gabi ng Set. 7, sinabi ng national pageant na, “The newest luxurious pageant in Thailand is now officially under Misters of Filipinas,” tinutukoy ang Man Hot Star International competition.
Nakasaad pa sa naturang Facebook post na naghahanap ang nasabing contest ng isang “luxury brand model to meet the needs of the national business class,” at mag-uuwi ang winner ng $81,830 halaga ng premyo, kasama ang salaping nagkakahalagang $13,600. Maaari rin siyang sumabak sa modeling, acting, at hosting.
Sinabi ni PEPPS Director for Licensing and Expansion Aski Pascual sa Inquirer sa isang online interview na batay sa kanilang kasunduan sa organizers ng Man Hot Star International, pipili ang pangkat na nasa Thailand ng isang kinatawan mula sa Pilipinas mula sa hanay ng 2019 Misters of Filipinas winners na hindi pa nakalalaban sa anumang international contest.
Marami sa winners ng 2019 Misters of Filipinas pageant ang hindi nakalaban sapagkat nakansela o naantala ang contest nila dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19.
Kung hindi makapipili ang Man Hot Star International organizers mula sa 2019 winners, “we will select from the new batch,” sinabi ni Pascual. Sa pagkakataong ito, magkakaroon ng anim na titleholders ang 2022 Misters of Filipinas pageant.
Ngunit sinabi ni Pascual na kung makahahanap ang Man Hot Star International organizers ng kinatawan mula sa pinagpipiliang 2019 winners, hindi pa malinaw kung mapahihintulutan ang PEPPS na humirang ng kinatawan para sa susunod na edisyon nang ganito kaaga.
Binahagi rin niya sa Inquirer na kasalukuyang kausap ng PEPPS ang isa pang international pageant organizer na nagpahayag ng pagnanais na mapili ang kinatawan ng Pilipinas mula sa Misters of Filipinas pageant.
“Nothing is final yet, they have just submitted a proposal. They want to crown a [representative] from [our] 2022 batch who will compete in [their] 2023 edition,” ayon kay Pascual.
Sa ngayon, pipiliin sa 2022 Misters of Filipinas pageant ang mga magiging kinatawan ng Pilipinas sa edisyon para sa 2023 ng limang international competitions—ang Man of the World pageant ng PEPPS, at ang mga patimpalak na Mister Model Worldwide, Mister Fitness Model World, Mister Tourism and Culture Universe, at Mister Super Globe.
Magaganap ang coronation night ng 2022 Misters of Filipinas pageant sa Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts sa Pasay City sa Okt. 16.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.