ITO na yata ang pinaka-pambihirang kaso sa
korte na natagpuan ng inyong lingkod mula nang ako’y naging court at police reporter: Sinampahan ng isang lalaki ang kanyang asawa ng kasong carnapping.
At ang kataka-kataka, pinatulan ng piskal at hukom ng Parañaque ang kaso!
Si William Godino, isang milyonaryong negosyante, ang nagsampa ng kasong carnapping as kanyang asawang si Dr. Elizabeth de Guia-Godino.
Si William ay customs broker at si Elizabeth naman ay psychiatrist sa Medical City hospital sa Pasig City.
Nakakatawa ang kaso, pero pinatulan ito ni Parañaque Assistant Prosecutor Sherilyn Baes.
Sinampa ni Baes ang kaso sa korte ni Parañaque Judge Noemi Balitaan.
Ang pagsasampa ng kasong carnapping ay
inaprubahan ni Chief Prosecutor Amerhassan Paudac.
Paano nagsimula ang kaso?
Humingi at binigyan ng protection order si Dra. Godino ni Parañaque Judge Marie Grace Ibay dahil sa umano’y pambubugbog sa kanya ni Mr. Godino.
Sinabi sa inyong lingkod ng humahagulgol na si Dra. Godino na pinagsusuntok siya ni Mr. Godino hanggang mawalan siya ng malay nang ang lalaki ay
nagselos.
Inatasan ni Judge Ibay si Mr. Godino na layuan pansamantala si Dra. Godino upang magpalamig ang dalawa.
Dahil hindi na siya makauwi ng bahay dulot ng protection order, sinampahan ni Mr. Godino ng kasong carnapping ang misis.
Sinabi niya na ninakaw diumano ni Dra. Godino ang kanyang dalawang kotse, Mazda CX9 at Mazda 3.
Ang sabi naman sa akin ni Dra. Godino na nasa garahe ng kanilang bahay ang dalawang kotse.
Inatasan ni Judge Balitaan na isoli ni Dra. Godino ang dalawang kotse kay Mr. Godino at sinunod naman ng babae ang kautusan ng korte.
Pero hanggang nga-yon ay pending pa rin ang kasong two counts of carnapping laban kay Dra. Godino sa korte ni Judge Balitaan.
Tinawagan ng inyong lingkod bilang host ng “Isumbong mo kay Tulfo” public service program si Prosecutor Paudac.
Tinanong ko si Paudac kung bakit sinampa niya ang kaso sa korte samantalang alam niya na mag-asawa itong sina Dra. Godino at Mr. Godino.
Sagot ng piskal na wala siyang alam sa kaso.
Ha? Hindi niya alam ang kaso samantalang siya ang nag-sign ng kanyang signature sa charge sheet?
Dapat yatang patalsikin sina Baes, Paudac at Balitaan sa kani-kanilang trabaho at pagkatapos ay idisbar (alisan ng lisensiya ng pagka-abogado) dahil sa kanilang pagiging estupido.
Sa Pilipinas mo lang matatagpuan ang mga prosecutors na gaya ni Baes at Paudac at mga judges na gaya ni Balitaan.
Paano nakapasa sa Bar exams ang mga ito at binigyan pa man din ng mga matataas na puwesto sa hudikatura.
Sa Metro Manila, may isang babae, Arlene L., na kilalang kilala ng mga empleyado ng korte at maging mga judges at justices ng Court of Appeals.
Gaya ni Janet Lim-Napoles, na akusado sa much-publicized pork barrel scam, si Arlene L. ay mahilig magdala ng mga mamahaling handbag na gaya ng Hermes.
Si Arlene L. ay isang “fixer” ng mga high-profile cases na nasa mga korte.
Siyempre, nilalagyan ni Arlene L. ang mga judges at justices na may hawak ng kaso ng kanyang mga kliyente.
Dapat siguro ay paimbestigahan ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang mga gawain ni Arlene L. at kilalanin ang kanyang mga kasabwat na mga judges at justices.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.