Medical procedure ni Kris Aquino hindi natuloy dahil sa feng shui?

Medical procedure ni Kris Aquino hindi natuloy dahil sa feng shui?

MAY bagong balita tungkol kay Kris Aquino na hindi raw nito pinatuloy ang medical procedure sa kanya nitong Agosto dahil ‘ghost month.’

Base sa kuwento ni Morly Alinio sa “Showbiz Now Na” vlog nila nina Nanay Cristy at Romel Chika na in-upload ngayong Sabado ng hapon ay maraming kababayang Filipino nurses ang nagparating ng balita tungkol kay Kris.

Say naman ni ‘nay Cristy ay hindi nila puwedeng hindi ibalita ito lalo’t kilalang personalidad at inaabangan din ang update tungkol dito ng mga kababayan nating Pinoy sa loob at labas ng bansa.

Ayon kay Morly, “Ate Cristy may mga nakarating na balita sa atin mula sa ating mga kaibigan sa Texas (Houston, USA) na hindi raw matapus-tapos ang gamutan dahil si Kris ay pinanatili niya sa kanyang isipan ‘yung Feng Shui.”

Dagdag ni ‘nay Cristy, “Okay, ito ang nakarating sa ating balita na itong nakaraang Agosto dahil ghost month kahit naman dito maraming naniniwala sa ghost month ang Agosto.

“Bawal magsimula ng bagong negosyo, bawal magsimula ng kasalan, binyagan at kung anu-ano pa dahil ghost month daw po. Si Kris Aquino po ay kilalang-kilala sa mapaniwalain talaga sa feng shui.

“Nito palang nakaraang Agosto ayon na rin sa ating mga sources ay may mga procedures (medical) na hindi natuloy sa ospital kung saan siya nandoon.”

Nagtatakang tanong ni Romel, “Bakit naman hindi itinuloy?”

“Paanong matutuloy, e, si Kris mismo ang nagsasabi sa mga duktor na hindi puwede sa ganitong date, re-schedule natin, hindi puwede ‘yung ganitong oras, re-schedule natin dahil sa feng shui,” kuwento ni Morly.

“Dumepende na naman sa Chinese calendar?” tanong ni Romel.

Sa pagpapatuloy ng kuwento ni ‘nay Cristy, “schedule sa feng shui. Alam mo nu’ng wala pang sakit si Kris Aquino masiglang-masigla pa siya, reynang-reyna pa siya ng telebisyon. Meron siyang parang Christmas tree sa bahay (nila) sa sala, pero ang palamuti mga larawan.

“Mga retrato ito ng mga taong kunektado sa kanyang karera. ‘Yung mga nakakatrabaho niya, mga boss niya, ‘yung mga nagde-desisyon kung sa anong karera ang kunin niya.

“Nandoon ‘yung mga big bosses ng ABS-CBN, nang mga nakakasalamuha niya sa paggawa ng TVC o TV commercial. Lahat ng mga taong may kuneksyon sa kanyang karera, nandoon.

 


“Pero ngayong napag-isip-isip ko nga, kung totoo ‘yung sinasabi ng feng shui na dapat mong ipalamuti ‘yung mga larawan ng taong kunektado sa iyong karera sa sala ng iyong tahanan, bakit ganu’n ang nangyari sa career niya?”

Tanong kaagad ni Morly, “ate Cristy tanong ko lang kung sa sala ‘yung Christmas tree, hindi ba (dapat) mga christmas ball o kendi (ang palamuti.”

At dito inamin ni ‘nay Cristy na pati si Willie Revillame na kaibigan ni Kris ay napaniwala rin nito.

“Actually, naniwala rin diyan si Willie Revillame dahil sa payo ni Kris Aquino. There was time nagpunta ako sa bahay ni Willie nakita ko rin ‘yung parang Christmas tree na ang palamuti ay larawan ng mga taong malapit sa kanya at nagmamando sa kanyang karera. Hindi Christmas tree na literal ah, ‘yung Christmas tree na may (muwestra) na ganu’n,” paliwanag ng beteranang manunulat at vlogger na rin.

Ang inilalarawan ay ‘yung nausong picture frame na may pang-ipit na maliliit kung saan nakalagay ang maraming larawan na mala-money tree ang dating.

“’Yung money tree at ang nakapalawit bilang adorno ay mga taong malalapit sa ‘yo, mg aka-trabaho mo at nagbibigay biyaya sa karera mo.

“Pero ngayon balikan natin, kung totoo ‘yung mga larawan na palamuti sa money tree, anong naganap sa kanyang karera? Hindi ba mismo ‘yung mga taong nakalagay na larawan? ‘Yung mga taong (nakasabit), hindi ba hindi naman siya prinoteksyunan?
Bakit nagsarado ang pintuan sa kanya ng ABS-CBN?” paliwanag ni ‘nay Cristy.

Ayon naman kay Romel since hindi naman nagkatotoo ay bakit pinaniniwalaan pa rin ni Kris ang feng shui.

“Alam n’yo sa mga medical na termino, hindi kasali ‘yan, eh. Kung ano ang dapat gawin na procedure at kung ano ang karapat-dapat na procedure at karapat-dapat sa ikagagaling ng pasyente ‘yun ang sinusunod nila kung ano ang resulta ng tests sa iyo ng duktor,”paliwanag ulit ni nanay.

Say naman ni Romel, “di ba sabi niya (Kris) oras ang kalaban niya? E, kung oras ang kalaban niya bakit pinalilipas niya ang oras, di b?”

“Oo, sabi niya, ‘time is my enemy.’ Kapag kalaban moa ng panahon, lahat ay gagawin mo para maging paborable sa iyo at talagang may magandang resulta ang bawa’t minutong nagdadaan sa buhay mo,” diin ni nanay.

Sang-ayon naman si Romel, “oo papaspasan mo na ‘yun kasi may hinahabol ka.”

Nabanggit pa na ang latest na kalagayan ni Kris base sa ate Ballsy Aquino-Cruz ay apat na ngayon ang autoimmune diseases.

“Sabi nga nadagdagan dahil sa kanyang allergies, di ba? E, di ibig sabihin hindi gumanda?” sambit ni nanay Cristy.

Paniniwala naman ni Morly na kung sakaling mga larawan ng Diyos ang isinabit niya imbes na mga larawan ng malapit sa kanya ay at naniniwala siya sa Diyos ay baka matagal na siyang magaling.

Say naman ni ‘nay Cristy anuman ang pinagdadanan sa buhay, “ay kailangan idudulog natin ito, itataas natin sa Diyos an gating kalagayan. Tanggalin na natin ‘yung mga kasabihan, tanggalin na natin ‘yung kung anu-anong bumabagabag sa atin dahil sabi nga natin, Diyos lamang ang nakakaalam kung ano ang kahihinatnan ng ating buhay.

“Kung ipagpapatuloy ang ating buhay o babawiin at kailangan na nating isauli dahil hiram lang.”

Nakakakuha ang SNN hosts ng mga balita mula sa mga kababayang Pinoy na nagta-trabaho sa hospital sa Houston, Texas.

“Bakit po nanganganak nang nanganganak ang mga kuwento at mga balita, sila-sila ay nagkukuwentuhan hanggang sa lumilipad po ang mga balita at mayroon naman pong tenga ang lupa.

“Maaring isang araw ay nagkasalubong ang mga Pinay nurses, ‘uy anong ginagawang procedure kay Kris?’ Sabi naman ng isa, ‘hindi natuloy, eh.’” say ni nanay Cristy.

Opinyon naman ni Romel, “saka wala ng control doon si Kris Aquino kung sino ang mga nagkukuwentuhan doon o kung sino ang masasalubong o sino ang mga kakilala nito at paano nakakarating.”

Dagdag ni ‘nay Cristy, “totoo, may bibig at may matang nakakakita, natural wala na siyang control doon.”

Bukas ang BANDERA sa panig ni Kris o ng kampo niya.

Related Chika:
Kris mas lumalala pa ang sakit, kailangan nang magpa-chemo: We found out life threatening na yung illness ko…

Kris Aquino may ‘medical emergency’, pupunta sa Amerika para magpagamot

Kris tuloy na ang pangingibang-bansa para magpagamot; nag-sorry kay Joel Villanueva

Read more...