JUDY ANN: Kung kay RYAN nangyari yan, magpupuyos din ako sa galit!
NATENSIYON si Judy Ann Santos nang malaman niyang siya ang napipisil ng ABS-CBN na mag-host ng bagong reality show na Bet On Your Baby, na sikat na sikat ngayon sa Amerika.
Hindi raw siya agad nakumbinse ng Dreamscape Entertainment para sa nasabing programa. “At first hindi pa. Nate-tense pa ako kasi babies at baka isipin ng mga tao, ‘pati ba naman babies kailangan may game show?'” ang chika ni Juday sa presscon ng nasabing programa.
“Yun kasi ang una kong inisip bilang nanay. Baka mangarag ang mga bata o baka ma-stress o baka ma-trauma. Then noong napanood ko na ang actual game show, hindi ko na siya pinag-isipan kasi na-realize ko na it’s very fun naman pala para sa mga kids.
“At the same time, very educational at magandang bonding para sa mga parents at mga anak nila na kasali,” ayon pa sa misis ni Ryan Agoncillo.
Ang Bet On Your Baby ay bukas sa isang pamilya na may anak (2 to 3 years old). Sa pamamagitan ng iba’t ibang games/challenges, kailangang ipakita ng mga magulang na kilalang-kilala nila ang kanilang mga anak.
Kailangang magawa ng mga bata ang mga challenges na walang tulong mula sa kanilang mga parents. Inamin naman ni Juday na grabeng adjustment din ang ginawa niya para as show, “Unang-una ang kaba ng puso ko…pangalawa, yung takot na baka mali ang mechanics na masabi mo because you’re thinking of four games in one taping.
Every taping, you change those three games so nag -iba-iba ng mechanics. “Pangatlo, hindi ako magaling sa mga pangalan lalo na kapag kinakabahan ako. Nagkakaroon ako ng malaking memory loss.
May mga moments na nau-utal ako saka hindi ko alam ang words na sasabihin ko. Saka minsan, I would just refer to them as mommy and daddy kasi baka mali ang masabi kong pangalan. E, we’re taped as live.
“Pang-apat yung postura ng isang host na poised ka dapat. Hindi ka dapat palengkera ang dating. Yung tumitili ka pero poised ka pa rin. Ang hirap nu’n ha! Tumitili ka pero poised ka pa rin.
Mahirap siyang balansehin, ha!” natatawang paliwanag pa ng TV host-actress. Hirit pa ni Juday, “Buti na lang, hindi pa nate-test ang powers ng English ko sa part na yan but I would like to believe that I can do it.”
Nakakataranta pero nakakaaliw daw ang Bet On Your Baby, kaya parang type ni Juday na isali rin ang anak nila ni Ryan na si Lucho, “Kasi parang exciting siya.
For the longest time, ngayon lang nagkaroon ng game show for babies at naglalaro lang sila. Gusto kong ma-experience ng baby at ako rin gusto ko ma-experience.
Gusto ko malaman kung gaano ko ba talaga kakilala ang baby ko. Saka lahat tayong mga nanay proud tayo sa mga anak natin. Lahat tayo gustong ipakita sila sa buong mundo.”
Magsisimula na ang Bet On Your Baby sa darating na Oktubre. Samantala, napag-usapan din sa presscon ang reaksiyon ni Juday sa kinasasangkutang kontrobersiya ngayon ng kanyang ate sa showbiz na si Sharon Cuneta na nanggalaiti sa galit nang madamay ang kanyang asawang si Sen. Kiko Pangilinan sa pork barrel scam.
Nakapag-comment pa nga si Mega sa kanyang Twitter account na magbibigay siya ng P10 million pabuya sa sinumang makapagpapatunay na magnanakaw ang mister niya, at hihiwalayan din daw niya ito agad.
Sey ni Juday, “Ako, I understand what Ate Sharon is going through, kasi asawa siya, di ba? Ako man, dumaan man si Ryan halimbawa sa ganyang sitwasyon, at alam ko sa sarili ko na hindi ganyan ang asawa ko, magpupuyos rin naman ang dibdib ko.
“So, intindihin natin ang bawat partner ng politician, especially yung may mga paraan para ilabas ang saloobin nila. Wala akong nakikitang mali. Karapatan natin yun na magsabi ng sama ng loob.
Nama-magnify lang, kasi mga artista. I guess, kung normal lang na tao o ordinaryong tao ang gagawa nun, baka suportahan pa.
“With Ate Sharon’s case, lahat na lang ng sabihin niya, negative.
Huwag naman. Kasi may karapatan siya,” chika pa ng nag-iisang Pinoy Soap Opera Queen.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.