Mister International PH magpapadala ng kinatawan sa 6 na male pageant
NANG naghayag ang Mister International Philippines (MIPH) organization ng isang pambansang patimpalak ngayong taon, nauna itong nagpatawag ng paghahanap sa magiging kinatawan ng bansa sa Mister International pageant. Ngunit bago pa sumapit ang final competition noong Hunyo, sinabi na ng organayser na magkakaroon din ng international assignment ang dalawang pinakamataas na runner-up.
Sa pagtatapos ng patimpalak, nasungkit ni Myron Jude Ordillano ang pangunahing premyo at itinakdang katawanin ang Pilipinas sa ika-14 edisyon ng Mister International pageant. Sa Mister Global naman lalaban si first runner-up Mark Avendaño, habang sa Mister National Universe contest naman sasabak si second runner-up Michael Ver Comaling.
Pagkatapos hirangin ang mga nagwagi, naglabas naman ng pahayag ang MIPH na nagtatalaga kay fourth runner-up Andre Cue bilang Mister Teen International Philippines, at sasabak siya sa Laos sa susunod na taon.
At nito lang Agosto 9, sinabi ng MIPH na lalaban din sa isang international competition si third runner-up Kitt Cortez. Siya na ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Mister Tourism International contest sa Indonesia sa Nobyembre.
Ngunit hindi pa nagtatapos ang mga pasabog ng MIPH sa pagtatalaga kay Cortez.
“MIPH is adding another title. Watch out for the official announcement soon. Yes, we are invading Latin America,” sinabi ng abogadong si Manuel Deldio, MIPH national director.
Nakuha ng MIPH ang prangkisa ng Caballero Universal competition na inorganisa sa Venezuela, at magdaraos ng ikalawang edisyon ngayong taon.
Ngunit sino ang ipadadala ng MIPH, gayong lahat ng nasa Top 5 may kani-kaniya nang sasalihang patimpalak? Sinabi ng isa sa mga opisyal ng organisasyon na si Ameer Gamama na magtatalaga ng isa pang kinatawang ipapadala sa Caballero Universal.
Sinabi rin niyang kasalukuyan nang pinipili kung sino ang karapat-dapat na magbitbit ng pangalan ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado. “We will make an announcement once everything has been finalized,” pagpapatuloy pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.