PUMANAW na ang Filipino sports legend na si Lydia de Vega-Mercado matapos ang pakikipaglaban nito sa breast cancer.
Inanunsyo ng kanyang anak na si Stephanie Mercado ang malungkot na balita ng pagpanaw ni De Vega, 57, sa kanyang Facebook post bago maghating-gabi nitong Miyerkules.
“On behalf of our family, it is with absolute grief that I announce the death of my mother, Lydia De Vega this evening, August 10, 2022, at the Makati Medical Center,” ayon kay Mercado.
“She fought the very good fight and is now at peace,” dagdag pa niya.
Si De Vega ay dating itinuturing na pinakamabilis na tumakbong atletang babae sa Asia, nagwagi siya ng 100-meter gold medal noong 1982 at 1986 Asian Games at nanguna sa sprint double sa Asian Athletics Championship noong 1983 at 1987. Siyam na beses niyang nasungkit ang gold sa Southeast Asian Games.
Nagretiro si De Vega noong 1994.
Kamakailan lamang ay inamin ni Stephaniena nasa malubhang kalagayan na ang kanyang ina dulot ng Stage 4 breast cancer.
Sumailalim si De Vega sa iba’t ibang procedures, kabilang na ang brain surgery, sa loob ng ilang taon simula nang ma-diagnose ang kanyang sakit noong 2018.
Huling public appearance ni De Vega ay noong 2019. Isa siya sa mga flag bearers sa pagbubukas ng Southeast Asian Games noong taong iyon.
Ipinaabot ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) ang taus-pusong pakikiramay sa pamilya ni De Vega, ang isa sa maituturing na pinakamahusay na atletang Pilipino.
“On behalf of the men and women of the Patafa, our deepest condolences and prayers to the family of the great Lydia de Vega. We lost one of our own, one of our best but her spirit will live on in our hearts,” ani athletics chief Terry Capistrano.
KAUGNAY NA BALITA
Sprint Queen Lydia de Vega nasa kritikal na kondisyon dahil sa Stage 4 breast cancer; pamilya nanawagan ng tulong, dasal