MAHIRAP man para sa award-winning writer and director na si Vince Tañada ang maipalabas sa mas maraming sinehan ang “Katips”, ay patuloy pa rin niya itong inilalaban.
Nakatakdang ipalabas ang naturang pelikula ngayong Miyerkules, Agosto 3, kasabay ng Viva film na “Maid in Malacañang”.
Ayon kay Direk Vince, mahirap daw makisingit sa mga sinehan para maipalabas ang pelikula dahil nauna nang makapagpareserba ang pelikula ni Darryl Yap lalo na’t showing ito sa parehong araw.
Aware naman ang lahat na plano ng direktor na tapatan ang “Maid in Malacañang” bilang hamon rito ukol sa pagkukuwento ng mga tunay na nangyari noong kasagsagang ng Martial Law na ipinatupad noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“Katatapos lang ng miting natin with SM. Suwerte naman nakuha natin lahat ng SM Cinema para sa ‘Katips’ sa iba’t ibang lugar. Kaya lang mamaya may miting pa ako with Robinsons and Ayala,” saad ni Direk Vince sa kanyang Facebook page nitong Biyernes, July 29.
Dagdag pa niya, “Alam [niyo], nakuha na ‘yung sine ng kabila. Wala na natira sa atin. Di ‘ko alam kung politiko ‘to pero sisikapin ko na mas marami pa tayong sinehan na makuha para mas malapit sa inyo at mas maraming makapanuod ng ‘Katips’.”
At kahit mahirap dahil mag-isa niyang ginagapang na maipalabas ang materyal at mapanood ng nakararami ay patuloy niya itong ilalaban.
“Nandito tayo, para tayong bumangga ng pader. Ang galing nila, ang higpit ng galing talaga nila sa politika pero hangga’t may naniniwala sa katotohanan hindi tayo susuko. Magkita-kita tayo sa August 3 para sa Katips,” matapang na sabi ni Direk Vince.
#KATIPS OFFICIAL TEASER
In the midst of uncertainty, there’s no other passion that can pull us back to freedom but the burning fire that hides within each of us. #Katips is a tale of the young, in their fight for their ideals. Coming Soon in Theaters! pic.twitter.com/KNAOtuhPxV
— Philstagers Films (@StagersFilms) September 21, 2021
Isang musical film ang pelikulang “Katips” at iikot ang istorya nito ukol sa mga estudyanteng aktibista noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ng pamumuno ng dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Kasabay ng pagpapalabas nito sa sinehan ay ang showing rin ng “Maid in Malacañang” mula sa direksyon ni Darryl Yap na naglalayong ikuwento ang huling tatlong araw na pangyayari sa loob ng palasyo bago maganap ang EDSA People Power Revolution na nagpatalsik sa mga Marcos sa pwesto base sa “reliable source”.
Related Chika:
Vince Tañada tatapatan ng ‘Katips’ ang ‘Maid in Malacañang’ ni Darryl Yap
Bakit nainis si Imee Marcos sa panggagaya sa kanya ni Cristine Reyes sa ‘Maid In Malacañang’?