Umuulan sa ilang bahagi ng Metro Manila noong Hulyo 23, at naging mabigat pa ang pagbuhos sa Ortigas district sa Pasig City, at Diliman sa Quezon City. Ngunit sa pagitan ng dalawang lugar na ito ay may tuyong bahagi sa Araneta City sa Quezon City.
Makulimlim ang kalangitan sa naturang distrito sa Quezon City, nagbabanta ng pag-ulan sa inaabangang
“Grand Parade of Beauties” ng 2022 Binibining Pilipinas pageant. Dalawang taon itong hindi naisagawa bunsod ng pandemyang bunga ng COVID-19.
Isinantabi ang patimpalak noong 2020, na itinuloy noong 2021. Ngunit hindi naiparada ang mga kandidata dahil sa ilang mga pagbabawal na ipinataw ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ngayong taon, muling nakasuot ng mga headdress na mala-Vegas ang mga kandidata, lulan ng mga kotseng convertible habang nag-iikot sa Araneta City, kung saan sila sinalubong ng laksa-laksang mga tagahanga at mga nag-aabang na usisero. Suot din nila ang one-piece suit na kulay puti at bughaw na may nakaimprentang bulaklak, may asymmetrical neckline at manggas na ruffles. Disenyo ito ni Justine Aliman.
Bahagyang umambon sa bandang simula ng parada, habang sumasampa ang mga kandidata mula sa basement parking ng Novotel Manila Araneta City. Ngunit nagtimpi ang mga ulap kaya naging tuyo ang mga Binibini at mga nakaabang sa mga bangketa sa halos kabuuan ng parada, na nagtapos sa isang maikling palatuntunan sa tapat ng pavilion ng Gateway Mall, kung saan nagpakilala ang 40 kandidata at rumampa ang reigning queens.
Kasama rin sa parada sina Bb. Pilipinas International Hannah Arnold, Bb. Pilipinas Grand International Samantha Panlilio, Miss Globe Maureen Montagne, Miss Intercontinental Cinderella Faye Obeñita, at second runner-up Meiji Cruz.
Sa reigning queens, sina Arnold at Cruz lang ang nakaranas na makaparada bilang mga kandidata. Una nang sumali si Arnold noong 2019, habang noong 2012 naman unang sumali si Cruz.
Kokoronahan ng apat na reyna ang mga tagapagmana nila bilang Bb. Pilipinas sa grand coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City Hulyo 31. Mapapanood ito nang live sa TV5, Kapamilya Channel, A2Z, at Metro Channel, at may real-time streaming sa iWant TFC at sa opisyal na YouTube channel ng Bb. Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.