MAHIGIT 30 katao na ang nasawi sa bagyong Odette at habagat, na malaki ang naiudulot na pinsala lalo na sa Central Luzon.
Sa pinakahuling tala ng mga awtoridad kahapon, 31 na ang patay sa magkasunod na kalamidad habang anim pa ang nawawala.
Sa Central Luzon pa lang ay 25 na ang kumpirmadong nasawi sa habagat, at marami sa mga ito’y namatay sa mga landslide sa mga bayan ng Subic at Castillejos, Zambales, ayon kay Nigel Lontoc, assistant director ng Office of Civil Defense-3.
Labimpito ang namatay sa mga landslide sa Brgy. Wawandue at Brgy. San Isidro, Subic, habang limang miyembro ng pamilya Lagasa ang namatay sa Brgy. Balaybay, Castillejos, ani Lontoc.
Kabilang sa mga nasawi sa Castillejos ang 77-anyos na si Blandina Lagasa, na narekober alas-12 ng tanghali, ayon kay Senior Supt. Manuel Abu, direktor ng Zambales provincial police.
Bukod sa mga namatay sa landslide, dalawang tao ang nalunod sa baha sa Olongapo City at Dinalupihan, Bataan, ayon sa OCD-3.
Sobrang lamig o “hypothermia” naman ang ikinasawi ni Botc Cabalic, 84, ng Brgy. San Pablo, Castillejos, ayon kay Abu.
Nawawala pa ang apat na miyembro ng pamilya Flores matapos ding matabunan ng landslide sa San Marcelino, Zambales, ayon kay Lontoc.
Sa tala naman ng OCD-4A, sinasabing dalawa ang nasawi sa pagkalunod sa Nasugbu at Taysan, Batangas, dahil sa habagat. Isang tao ang nawawala pa sa Nasugbu.
Una rito, inulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na dalawa katao ang nasawi sa Dingalan, Aurora, dahil sa pagtaob ng isang bangka nang manalasa si “Odette.”
Dalawang tao ang nawala dahil sa naturang insidente, ngunit ang isa na si Elenita Abalos ay natagpuan nang patay sa bahagi ng dagat na sakop ng Panukulan, Quezon, kamakalawa ng hapon, ayon sa Quezon police.
Nasa 16,461 pamilya o mahigit 72,696 katao ang naapektuhan ni “Odette” at ng habagat sa Ilocos region, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Western Visayas, ayon sa NDRRMC.
Sa mga apektado, 14,468 pamilya o 63,215 katao ang nakikisilong sa evacuation centers o di kaya’y sa bahay ng mga kamag-anak, ayon sa ahensiya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.