Ogie Diaz nakatanggap ng bonggang regalo ngayong Father’s Day
ANG ikalawang anak na ikinukuwento ni Ogie Diaz sa mga kaibigan niyang gustong mag-doktor na si Godhie ay nagtapos na sa University of Santo Tomas Senior High School kaya’t excited na ang proud daddy sa bagong pakikibaka nito sa kolehiyo.
Kilala namin nang personal ang comedian-talent manager at content creator at masasabi naming cool dad siya pero istrikto at alam naman ito ng subscribers niya sa kanyang “Showbiz Update” at “Ogie Diaz” YouTube channel at sa vlogs din ng kanyang limang anak kasama pa ang asawang si Georgette as Mommy Sowl.
Going back to Godhie, napakaganda ng alay niya sa kanyang ama ngayong Father’s Day, ang kanyang diploma at medalya dahil nagtapos nga siya with honors.
Ipinost ng proud daddy ni Godhie ang larawan nilang tatlo kasama ang mommy nito sa harap ng eskuwelahan at ang pagsuot ni Ogie ng medalya nito sa anak.
Ang caption ni Ogie, “Sabi ni Godhie, ‘Gusto kong magdoktor, daddy!’
“Kahit ano, anak. Basta kung saang kurso ka masaya, support lang kami ng mama mo.
“Ganyan ako sa mga anak ko. Ang luma na kasi ng ‘yung magulang ang nasusunod kung ano ang kursong dapat kunin ng anak. At pwede nilang diktahan.
“Noon yon. Kasi di pa naman uso nu’ng mga panahong ‘yon ang social media at mental health issue.
“Pero ngayon, iba na. Dapat, nakikiramdam din ang magulang kung ano ang behavior ng mga kabataan ngayon sa nakagisnan natin noon, nung mga bata pa tayo.
“Kung noong bata ka, nagmumukmok ka sa isang sulok, sisitahin ka ng nanay mo at sasabihing, ‘Anong minumukmok-mukmok mo diyan? Tumayo ka diyan, ang daming hugasin! ‘Wag mo kong aartehan ng ganyan. Lumulusot ka lang sa gawaing bahay, eh!’”
At ngayong 2022 kapag nakita mo ang anak mong nagmumukmok sa isang tabi ay kabado na ang mga magulang dahil sa mental health. Noong araw kasi ay hindi naman gaanong pinapansin ang mental issue.
Kaya si Ogie ay talagang concerned sa mga anak kapag nakitaan na niya ng mga ganitong senyales. Aniya, “Pero ngayon, pag nakita mo ang anak mo na nagmumukmok sa isang sulok o kaya umiiyak, napapraning ka na, eh.
“Anak, ano’ng problema? Bakit ka malungkot? Bakit ka umiiyak? Meron ka bang nakaalitan? Binully ka ba? Nade-depress ka ba? Me anxiety ka ba, anak? Halika, anak, andito ang daddy mo, ang mama mo, handang makinig sa yo.
“Kaya ‘yung panganay ko, nu’ng nag-decide nu’ng 2018 na tumigil sa Grade 11, pinatigil ko.
“Ako pa lumakad sa school para sabihin sa admin na mag-stop na si Erin. I told Erin, sige, pahinga muna siya and pag naisip na niya what will make her happy, ‘yun ang gawin niya.
“Importante naman sa akin ang pag-aaral, eh. Pangarap nating makapagtapos ang mga anak natin. Kaya nga tayo kayod-marino eh.
“Pero mas importante sa akin ang mental health ng mga anak ko. Sasabihin ng iba, ‘ang weird naman ni Ogie, paano na ang future ng anak niya? Mali naman siya du’n.’
“Ah, ganun ba? O, eh di sige, mali na ako. Happy ka na? (O di ba, andaling kausap?)
“Yung panganay ko ngayon, vlogger na, may YouTube channel na, si Erin Diaz (subscribe naman kayo).
“Nahanap niya what makes her happy. At nu’ng 2020, siya mismo ang nagsabi sa akin, ‘Daddy, pwede na akong bumalik sa Grade 11. Ready na ako.’
“Natuwa ako. Kasi hindi ko siya pinilit, eh. Pero may kondisyon na ‘yon, sabi ko, ‘pag huminto siya uli ng pag-aaral, lahat ng naibayad ko sa school niya, ibabalik niya sa akin. Kukunin kong lahat sa savings niya. Pero pag nagtuloy-tuloy siya, eh di congratulations!
“Si Godhie, studious na bata. Kahit may sakit, papasok sa school. Adik sa pag-aaral. Kasi nga, happiness niyang mag-aral. At eto nga, o! Umakyat pa kami ng mama niya sa stage dahil with honors pa siya.
View this post on Instagram
“Ako ang nagsabit ng medal sa kanya, naaliw ako. Ha-hahaha! Sobrang proud daddy and mama lang yarn,” sabi ni Ogie.
Dagdag pa, “Gusto niyang maging doktor someday, kaya pre-med niya ang MedTech. Kaya ngayon pa lang, kine-claim ko nang may future doctor na ako. Kasabay nang pagiging open-minded kung sakaling magbago ang kanyang isip.
“At si Erin naman, ga-graduate na rin ng senior high sa August naman! At gusto niyang mag-Culinary Arts.
“O, di ba? Bongga? Kahit yung 12 years old ko, si Cory, graduate naman ng Grade 6. Kahit walang honors, okay lang. Basta lagi kong bilin sa kanila, kahit puro palakol pa ang grades nila, basta ‘wag lang silang babagsak at babalik uli sa Grade 6.
“Actually nga, lagi ko silang tinatanong lahat kung gusto o ayaw na nilang mag-aral, eh. Sabi ko, ok lang sa akin kung ayaw na nila, eh. Basta isoli lang nila lahat sa akin ang mga gadgets nila. So far, ayaw nilang isoli, kaya nag-aaral sila. Hahaha!
“But seriously, ang mga anak ko, alam nilang high school grad lang ang daddy nila. Pero lagi kong sinasabi sa kanila, “Ang tunay na laban ng buhay ay wala sa loob ng eskwelahan. Nasa labas,” kuwento pa ni Ogie.
Habang sinusulat namin ito kaninang madaling araw dahil hatinggabi ito ipinost ni Ogie ay ramdam namin kung gaano siya ka-proud sa mga anak niya at ramdam namin ang kasiyahang nararamdaman nito.
Happy Father’s day Ogs!
https://bandera.inquirer.net/289586/long-mejia-naisahang-muli-si-ogie-diaz
https://bandera.inquirer.net/287305/jc-hirap-na-hirap-magpaalam-sa-pamilya-pag-magtatrabaho-carlo-sinusulit-ang-bawat-oras-sa-pamilya
https://bandera.inquirer.net/314708/toni-fowler-sinabihang-ipalaglag-ang-kanyang-baby-iyak-ako-nang-iyak-tapos-itinakwil-nila-akong-lahat
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.