ANIM na taon na ang relasyon nina Ronnie Alonte at Loisa Andalio sa Nobyembre 2022 kaya ang tanong sa dalawa ay kung dadalhin na nila ito sa next level, kung may magaganap ng engagement.
Natanong ito sa ginanap na advance screening ng teleseryeng Love in 40 Days sa Santolan Town Plaza kahapon, Biyernes Mayo 20.
“Hindi pa po siguro ngayon dadating tayo ro’n kasi sa ngayon ang focus namin is i-enjoy muna ang buhay namin hangga’t bata pa kami, mag-ipon para pag dumating ‘yung panahon na kailangan na, e, di, tara na! Huwag kayong mag-aalala iyon naman ang mind set namin, naka-plano na, hindi pa ngayon,” paliwanag ni Ronnie habang nakangiti naman si Loisa.
Say din ng dalaga, “tama po ‘yung sinabi ni Ronnie kasi ayaw din naming pumasok sa ganu’n kataas ng relationship na may engagement na kasi tama bata pa po kami marami pa kaming gagawin din basta nandito kami to support each other.”
Siniguradong hindi naman daw aabutin ng 40 years bago ang engagement, “hindi naman po gusto naming ganito pa rin ang itsura namin pag dumating ‘yun,” diin ng aktor.
Samantala, natanong ang mag-dyowa kung ano ang kaibahan nila sa ibang magka-loveteam dahil napanatili nila ang maganda nilang relasyon na ngayo’y anim na taon na.
Matatandaang nagsimula sa LoiNie loveteam ang samahan nina Loisa at Ronnie hanggang sa naging totoo na katulad ng KathNiel nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na ngayon ay isineselebra nila ang kanilang isang dekadang relasyon.
Gayun din ang LizQuen nina Liza Soberano at Enrique Gil na anim na taon na rin ang relasyon at hindi naman nagtagal ang JaDine nina James Reid at Nadine Lustre.
Sa mga bagong loveteams ngayon tulad nina Belle Mariano at Donny Pangilinan na DonBelle na hindi pa umaamin kung ano ang estado ng kanilang relasyon.
Ang SethDrea na kung kailan hiwalay na ay saka lang umamin sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin, walang malinaw kung nagkaroon ng relasyon sina Francine Diaz at Kyle Echarri.
Ang diretsong sagot ni Ronnie, “paano kami naiiba sa kanila? Hindi sila umaamin. Unang-una sa lahat siyempre ako kasi talaga kaya umaamin talaga hindi ko nakikita ‘yung babae na nasasaktan at hindi ko siya kayang ipagmalaki sa social media.
“Magkahawak kayo ng kamay sa mall mapipiktyuran, maggaganyan maglalambigan, (may magtatanong), ‘kayo ba?’ ‘Hindi friends lang kami.’ Parang nakakabastos ‘yun sa isang babae! Para sa akin ‘yun ang pagkakaiba namin.”
Dagdag pa, “ang sarap-sarap ng mayroong taong nagmamahal sa ‘yo at saka ‘yung pagiging makatotoo namin sa tao na hindi kami showbiz at ‘yung ipinapakita namin sa tao, sa social media, sa lahat…lahat po ‘yun totoo walang halong ka-echosan!”
Inamin din ng LoiNie na maraming pagsubok silang dinanas para marating ang almost 6 years nilang relasyon at hanggang ngayon ay marami pa ring hirap na dinaranas at alam nilang malalampasan nila lahat iyon basta’t nakakapit lang sila sa isa’t isa at laging may communication at trust, isa iyon sa sekreto ng maganda nilang pagsasama as boyfriend and girlfriend.
Samantala, gagampanan ni Loisa ang karakter na Jane sa Love in 40 Days na isang workaholic at breadwinner ng pamilya.
Si Edward Montemayor naman ang karakter ni Ronnie, anak mayaman at gustong ipamana sa kanya ang negosyo ng pamilya nila pero iba ang pangarap nito dahil nga isa siyang rakista na may banda at gustong magtayo ng sariling bar and restaurant.
Ang saya ng pakiramdam nina Ronnie at Loisa dahil unang teleseryeng bida sila sa “Love in 40 Days” na rati ay support lang at sa mga gilid-gilid lang sila naka-upo hindi katulad sa mediacon na sila mismo ang nasa gitna na pinalilibutan ng magagaling na veteran actors tulad nina Leo Martinez, Lotlot de Leon, Anna Abad Santos at Mylene Dizon.
“Sa totoo lang po nakakataba ng puso kasi ito po yung matagal naming hinihintay ni Ronnie at finally, nangyari na at binigyan pa kami ng brilliant directors, mga mahuhusay na kasamang artista kaya hindi rin po kami nahirapan dito ni Ronnie sa Love in 40 Days kaya sobrang blessed po na ibinigay sa amin ito,” saad ng aktres.
Say naman ni Ronnie, “kinakabahan po kami kasi kami ‘yung nasa gitna tapos na-starstruck kami sa rami ng nakapaligid sa amin and excited na kami na talagang mapanood na nila ito ng buo.”
Inamin din ng aktor na marami siyang natutunan sa mga direktor niyang sina Jojo Saguin at Emmanuel Q. Palo dahil nga lagi siyang nasasabihang hindi siya marunong umarte, pero ngayon ay nabago na sa tulong ng mga magagaling nilang kasama sa serye at higit sa lahat, may libre silang acting workshop mula sa batikang aktor na si ginoong Leo Martinez.
Very light ang atake ng dalawang direktor sa kuwento ng “Love in 40 Days” dahil tungkol ito sa mga namamatay na mabait na diretso sa langit at sa mga hindi mababait na diretso naman sa hell.
Sana mapanood ng lahat ang Love in 40 Days teleserye para ngayon palang ay ituwid na nila ang mga mali nila sa buhay.
Simula nang mapapanood sa Mayo 28 sa iWantTFC app at website, at sa Mayo 30 naman ng 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z.
Kasama rin sa cast sina Janice de Belen, Maria Isabel Lopez, Jojit Lorenzo, Chie Filomeno, Trina Legaspi, Vaughn Piczon, Raven Molina, Renshi de Guzman, Andi Abaya, Brendix Ramon, Kobie Brown, Ahron Villena, at Bart Guingona mula sa Dreamscape Entertainment at ABS-CBN entertainment.
Related Chika:
Promise ni Ronnie: Wala na akong ibang hahanapin pa at wala akong balak pakawalan si Loisa!
Loisa, Ronnie may plano raw lumipat sa GMA; Kid Yambao payag sa indecent proposal
Payo nina Ronnie at Loisa sa mga gustong mag-artista: Go lang nang go, sundin ang nasa puso n’yo!