Isko Moreno nag-concede na: Meron na pong napili ang taumbayan

Isko Moreno nag-concede na: Meron na pong napili ang taumbayan

TULUYAN nang tinanggap ni Aksyon Demokratiko standard bearer at incumbent Manila City Mayor Isko Moreno ang kanyang pagkatalo para maging susunod na presidente ng bansa.

Ngayong araw, Mayo 10 ay pormal nang ipinahayag ng alkalde ng Maynila ang kanyang pag-concede sa kasalukuyang halalan at binati ang nangunguna sa botohan na si Bongbong Marcos.

“Mayroon na pong pinili ang bawat Pilipino. Nais kong batiin si dating Sen. Bongbong Marcos. Binabati ko ang pamilya ni dating Sen. Marcos sa pagpili sa kaniya ng higit na nakararami bilang hahalinhin na pangulo ng ating bansa,” saad ni Isko.

Base sa partial at unofficial results na inilabas ng Comelec as of May 10, 3:47 PM na mula sa 97.87% ng elections results, 30,986,111 votes na ang natatanggap ni Bongbong.

Samantala, nasa pang-apat na pwesto naman si Isko na nakakuha na ng 1,881,126 votes.

Pagpapatuloy ni Isko, “Hindi magtatagumpay si President-elect Bongbong Marcos at VP-elect Sara Duterte… kung tayong mga mamamayan ay hindi magkakaisa… Let us support the new leadership. Let us congratulate them and let us do our part as citizens.”

 

 

Aniya, responsibilidad ng mga Pilipino na makiisa sa administrasyon at huwag makisali sa gulo.

“Tayong mga mamamayan ay may responsibilidad na makiisa sa administrasyon… wag tayo makibahagi sa mga alingasngas o gulo… Para magtagumpay ang ating bansa, kailangan tayo ay nagkakaisa.”

Nagpasalamat rin ito sa mga patuloy na sumuporta sa kanya at hinikayat ito na suportahan ang bagong magiging administrasyon.

Lahad ni Isko, “Sa aking mga supporters, sa mga bumoto sa akin — kailangan natin magkaisa, tulungan ang bagong pinili ng ating mga kababayan. Kailangan natin magtagumpay pare-pareho.

“Hindi po magtatagumpay ang susunod na administrasyon kung patuloy ang ating hinagpis, kalungkutan, o maaaring baka mayroon pa tayong sama ng loob.”

Related Chika:
Romnick Sarmenta hindi sang-ayon sa sinabi ni Isko Moreno: Di matatapos ang gulo, kapag trapo ang nanalo

Isko Moreno umaasang susuportahan ni Duterte matapos umatras si Go

Tambalang Isko Moreno at Kris Aquino sa Eleksyon 2022 posible kaya?

Read more...