PORMAL nang inendorso ng singer na si Jona ang kandidatura nina Vice President Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan na kasalukuyang tumatakbo bilang presidente at bise presidente sa darating na eleksyon.
Sa kanyang Instagram account ay ibinahagi niya ang kanyang pagsuporta sa tRoPang Angat.
Pag-amin ni Jona, noon raw ay wala siyang interes kapag politika ang pinag-uusapan.
Ngunit nagbago na ang kanyang pananaw dahil na-realize niya na kailangan niya ring iparinig ang kanyang boses para sa bansa.
Ani Jona, “Dati apolitical ang stance ko dahil pakiramdam ko wala namang epekto at hindi magma-matter ang hindi ko pag-participate sa pagboto.
“Pero na-realize ko na kailangan natin makialam at makilahok sa usapin, gamitin ang boses at karapatan natin, hindi pwedeng tahimik at nasa safe side lang lagi.
“Dahil sa pinagsama-samang boses natin nakasalalay ang magiging kinabukasan ng ating bansa,” sabi ng singer.
Dito ay tuluyan na niyang ipinahayag ang pagsuporta kay VP Leni at inisa-isa ang mga dahilan kung bakit siya ang pinipili niyang lider ng bansa.
“Ngayon I am proud to say na kasama akong tumitindig at pinipili ko si Leni Robredo bilang aking presidente.
“Mahusay, masipag, matapang, humaharap sa mga pagsubok, may malinaw at konkretong plano, at ang pinakamahalaga sa lahat, may puso — tapat, transparent at walang bahid ng korapsiyon at katiwalian, na pinakita niya sa atin for the past 6 years bilang bise presidente,” pagpapatuloy ni Jona.
Inilahad niya rin ang magandang track record ng kasalukuyang presidente at pagiging “present” palagi sa tuwing kinakailangan ng tulong ng mga kababayan.
“Nung mga nakaraang taon sobra tayong nagagalit kapag may mga issue ng corruption, mismanage[ment] ng funds ng ilang mga government agencies and officials, injustices lalo na sa mga mahihirap, mga inactions, at walang konkrentong plano sa pagtugon sa pandemiya.
“Pero si VP Leni Robredo nagsusumigaw ang kanyang track record at presensiya (which I searched for and read). Marami siyang nagawang programs despite her office being given limited budget. Marami siyang natulungan,” sey ni Jona.
At ang mga katangian nga raw ni VP Leni ang sumasalamin sa tunay na public servant para sa kanya dahil may diskarte, may puso, at tapat ito sa pagsisilbi.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit boluntaryo siyang sumasama sa mga campaign sorties ng mga “kakampinks”.
“Kaya sumasama ako sa ilang campaigns willingly, voluntarily at walang bayad dahil naniniwala ako sa Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat,” saad pa ng mang-aawit.
Isa si Jona sa mas dumarami pang personalidad na tumitindig, sumusuporta, at naniniwala sa tambalang Leni-Kiko.
Kamakailan lang ay nagpahayag na rin ng pagsuporta sa dalawa sina Anne Curtis, Piolo Pascual, Regine Velasquez, at Pia Wurtzbach.
Related Chika:
Anne Curtis inilantad na rin ang tunay na ‘kulay’ sa politika
Jona wala pa ring dyowa; busy sa pagliligtas, pag-aalaga ng mga aso’t pusa