Herlene Budol tuloy ang pagsali sa Bb. Pilipinas, kinakarir ang training: Yung utak ko medyo hindi pasado, pang-barangay lang po
PATUTUNAYAN ng Kapuso comedienne na si Herlene Budol o mas kilala sa tawag na “Hipon Girl” sa mga “golden bashers” na may karapatan din siyang sumali sa mga beauty pageant.
Kinumpirma ng komedyana na totoong sasali siya sa Binibining Pilipinas pageant at sa ngayon ay kinakarir na niya ang iba’t ibang training para sa mga nangangarap maging beauty queen.
Ayon kay Herlene, ang kaibigan at talent manager niyang si Wilbert Tolentino ang nag-encourage sa kanya na mag-join sa Binibining Pilipinas.
“Minotivate po ako ni sir Wilbert kasi siya daw po nakakita ng potential ko. Parang sabi niya para ma-boost pa ‘yung confidence ko, maging maganda ako sa paningin ko kasi hindi rin talaga ako nagagandahan sa sarili ko,” ang pahayag ng dating co-host ni Willie Revillame sa interview ni Karen Davila na mapapanood sa bago nitong YouTube vlog.
View this post on Instagram
Inamin naman ni Herlene na talagang pinaglalabanan niya ang matinding takot sa pagsabak sa national pageant para na rin sa kanyang sarili.
“May kaba po sobra kasi ‘yung utak ko medyo hindi masyadong pasado sa standard siguro ng Binibining Pilipinas, pang-barangay lang po ako.
“Kasi nanalo ako dito sa amin, Binibining Angono ng Sining 2017 kaya po ako natawag na hipon kasi parang kinantsawan lang po ako,” aniya.
At dahil hindi lang pagandahan at pasiklaban sa pagrampa ang labanan sa beauty pageant, nagte-training din siya para mas ma-develop pa ang character niya pati na ang kanyang utak.
“‘Yung utakan po, iyon po ‘yung dinagdagan po nila sa akin kasi wala po akong kaunting knowledge about sa kung ano, sa communication, tapos dapat kapag nagte-training kami English lang, walang Tagalugan.
“Tapos walking po, kung paano dalhin ‘yung heels kasi dati nakalimutan ko na siyang dalhin, natutumba na po ako,” sabi pa niya kay Karen.
Mas ginaganahan pa raw siya ngayong mag-training dahil sa mga natatanggap na negative comments mula sa mga bashers sa social media pero aniya, mas ang focus niya ngayon ay ang sarili.
“Sasabihin nila ibigay na lang sa iba ‘yung opportunity kasi hindi naman deserve tapos ‘yung iba naman wala daw akong class bakit sasali ako sa ganoon? Wala naman pinipili ‘yun.
“Hindi ka naman sumali doon para may patunayan sa iba, dapat may patunayan ka muna sa sarili mo kasi para ma-improve ‘yung self-confidence, ‘yung mga mali po sa akin maitama. Hindi ko naman ‘to ginawa para sa iba, eh. Ginawa ko ‘to para sa sarili ko,” diin pa niya.
Samantala, ibinalita rin ng Kapuso TV host at aktres na sa wakas ay matatapos na rin siya sa college ngayong taon sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management.
Pahayag ng dalaga, “‘Yung sinasabi kapag may kita kang pera, tatamarin ka nang mag-aral. Ang akin naman po, bakit ako magtatrabaho, para saan, para po makapag-aral.
“Pwede ka naman po magtrabaho habang nag-aaral. Pwede kang mag-aral habang nagtatrabaho.
“Pwede naman po akong tumigil na talaga dati pero ayaw ko pong madismaya sila tatay tsaka si nanay, lolo at lola ko po kasi pangarap po nila sa akin maging flight attendant.
“Kasi may kamag-anak sila, matanda na ngayon, sabi nila, ‘Alam mo anak ‘yung tita mo taga-Pangasinan nag-flight attendant, tingnan mo nakapag-around the world sila,'” aniya pa.
https://bandera.inquirer.net/304563/herlene-budol-hindi-kumita-sa-mga-naunang-vlogs-nakakalungkot-lang-isipin-kasi-kahit-kani-kanino-ako-nagtiwala
https://bandera.inquirer.net/296601/herlene-budol-bawal-pang-makipag-kissing-scene-hindi-pa-ako-masyadong-marunong-mag-toothbrush
https://bandera.inquirer.net/308235/herlene-budol-nagte-training-na-para-sa-sasalihang-beauty-contest-napapanaginipan-si-kit-thompson
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.