NAGLABAS ng pahayag ang komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia ukol sa isang post patungkol sa kanyang pagkakautang.
Base sa viral Facebook post ay umabot na hanggang P300,000 ang utang ng komedyante at dating “It’s Showtime” Ms. Q & A 2018 grand winner.
Hindi naman ito itinanggi ni Juliana at sa pamamagitan rin ng Facebook post noong March 24 ay sinagot niya ang kumakalat na isyu ukol sa kanya.
Aniya, hindi naman siya naaapektuhan sa mga pambabatikos at pang-aalipusta na kanyang natatanggap simula nang magdesisyon siyang pumanig sa UniTeam at lumabas sa mga Vincentiments videos ngunit minabuti na rin niyang magsalita dahil maraming “teknikalidad” na bumabalot sa viral post.
“Hindi ko po ikinahihiya na simula noong pandemic, ang akin pong pamilya ay nabaon sa utang dahil sa kawalan ng pinagkukuhanan ng panggastos bunga ng kawalan ng trabaho,” saad ni Juliana.
Ayon sa kanya, dahil nga rin sa pandemya kaya hindi niya masingil ang mga taong nagkakautang rin sa kanya dahil tulad niya, nahihirapan rin at may pinagdaraanan.
Pagpaptuloy ni Juliana, “Ikinahihiya ko po ba ang yugto ng buhay kong ito? Hindi po. Alam kong halos lahat, kundi man lahat ay tunay na pinadapa ng pandemya.”
Pero pinabulaanan niya na ang pagsuporta niya sa UniTeam ang dahilan kung bakit unti-unti siyang nakakabangon at nakakapgbayad sa ilang pinagkakautangan.
“Ikinararangal ko pong hindi ang pagsama ko sa Uniteam ang dahilan kaya ako nakapagbayad sa iilan, hindi ko rin idedeny at alam ito ng Viva, na ang sweldo ko po sa mga pelikula ya derechong nakabawas sa lahat ng mga ito,” matapang na hayag ni Juliana.
Ngunit tila sumobra na raw ang nag-post dahil hindi nito binura ang pangalan niya, ng kanyang ina, pati na rin ang kanyang contact number kaya naman ngayon ay pinuputakte ito ng mga tao.
“Hindi lamang traydor kundi walang modong piniling ipaalipusta ang malungkot na bahagi ng buhay ng isang tao at lapastanganin ang kanyang ina para lamang makaganti, dahil hindi kayang tapatan ng content ang content ng kaibigang minsang naging mabuting tao sa kanila at nagkataon lamang na magkaiba ang pulitikal na desisyon,” dagdag pa ni Juliana.
Sey pa niya, “Ako po ay Nagtatrabaho. Ako po ay Pilipino, may Kalayaan at Karapatan at hindi kayang sirain ng mga hakbang ng mga taong matagal nang sinira ang kanilang sarili, sa ngalan ng inggit, galit at kawalan ng batong maipukol sa gusto nilang masaktan.”
Nilinaw rin niya na ang kumakalat na post ay noong 2021 pa kung saan talagang nahirapan siya dahil sa pandemya.
Matapos nga ang kanyang official statement ay nag-message sa kanya si Krizette Laureta Chu upang matulungan siya sa kanyang pinansyal na problema.
Agad silang nanawagan sa publiko ng tulong o donasyon para sa utang ni Juliana.
Nang tignan namin ang ibinahaging screenshot ng convo (conversation) nilang dalawa ay malapit nang maabot ang P300,000 dahil halos P200,000 na ang laman ng kanyang GCash at may nag-send rin daw na P50,000 sa kanyang bank account.
“Sobrang salamat, #UniTeam,” saad ni Juliana.
Related Chika:
Juliana Parizcova Segovia may bwelta sa kasamahang sasampalin daw siya: Tuparin mo po yan!