Pinangunahan ni Team Aksyon at Malasakit Mayoral Candidate Along Malapitan at kandidato bilang kinatawan ng District 1 Oca Malapitan ang pag-aalay ng misa sa Sacred Heart Parish, Bagong Barrio, Caloocan para sa unang araw ng opisyal na campaign period para sa lokal na halalan.
Kasabay din nito ang pagdaraos ng misa sa San Roque Cathedral sa District 2 at isa pang misa sa bagong tatag na ikatlong distrito ng Caloocan.
Ayon sa pambato ng Team Aksyon at Malasakit sa pagka-alkalde ng Caloocan, naging tradisyon na nila ang pag-aalay ng misa ng pasasalamat sa unang araw ng kampanyahan at susundan ng mga ugnayan sa iba’t-ibang barangay sa District 1.
“Napakalaki ng Caloocan at nasa 1.7 milyon mamamayan ang ating kailangang abutin. Pero sa loob ng 45 araw, sisikapin ko na iulat sa mga residente ng Caloocan ang ating nagawa sa nakalipas na 15 taon kong pagiging lingkod bayan at maging ang ating plano at direksyon na nais tahakin sakaling pagkatiwalaan nila tayo bilang ama ng Caloocan,” pahayag ni Malapitan na kasalukuyang kinatawan ng unang distrito ng lungsod.
Dagdag pa nito, “Kumpiyansa ako na naramdaman ng mga tao ang ating mga naging programa at pagtratrabaho, mula sa libreng tuition fee sa University of Caloocan City, pagtataas ng bed capacity ng Tala Hospital mula 200 ay naging 800 na ang bed capacity, at ang pagkakaroon ng ikatlong distrito sa lungsod.”
Binanggit din ni Malapitan na naipasa na sa Senado ang kanyang isinulong na panukala na nagtatatag ng Polytechnic University of the Philippines sa North Caloocan.
Nanawagan din si Malapitan sa mga mamamayan ng Caloocan na paglaanan nila ng panahon ang pagsusuri sa mga kandidato ngayong halalan.
“Makinig at pag-aralan niyo pong mabuti ang inyong mga kandidato, kasama na po roon ang inyong lingkod. Pakinggan n’yo po kung may nagawa at may matino silang plano para sa ating lungsod. Huwag tayong magpapadala sa paninira at pangako sa hangin,” aniya.
Samantala, nanawagan naman ang pambato ng Team Aksyon at Malasakit bilang kongresista ng unang distrito at kasalukuyang alkalde ng Caloocan na si Mayor Oca sa lahat ng kandidato na bigyan ng malinis, maayos at tapat na halalan ang mga mamamayan ng Caloocan.
“Iwasan natin ang paninira at huwag tayong bumaba sa maruming uri ng pulitika. Itaas natin ang antas ng kampanyahan sa ating lungsod para sa mga mamamayan. Ilatag natin sa kanila ang ating mga plataporma at hayaan natin na sila ang magdesisyon sa May 9,” pahayag ni Mayor Malapitan.
Nakatakdang magdaos ng dalawang Meeting de Avance ngayong gabi ang Team Aksyon at Malasakit sa ikalawang distrito ng Caloocan.