Jericho Rosales bibida sa ‘Sellblock’; Francine Diaz pag-aagawan ng tatlong lalaki sa ‘Bola Bola’
KAILAN kaya sisimulan ang taping/shooting ng international series na “Sellblock” na produced ng ABS CBN International at Black Ops Studios? At hanggang kailan naman ang taping ng “FPJ’s Ang Probinsyano”?
Nasulat na si Jericho Rosales na ang bida sa “Sellblock” na isa dahilan kaya siya nasa New York City, USA ay para sa isang training bukod pa sa sumubok siyang mag-audition doon para sa ibang project.
View this post on Instagram
Anyway, kaya namin naitanong kung hanggang kailan ang taping ng FPJAP ay dahil dalawang artista na may mahalagang papel sa aksyon serye ni Coco Martin ay kasama sa “Sellblock”, sina Tirso Cruz lll bilang si Arturo Padua na rating press secretary na ngayon ay kumakandidatong bise presidente at kapartner niya si Renato Hipolito na si John Arcilla.
Kabilang din sa “Sellblock” si Rosanna Roces na may mahalagang papel din sa FPJAP bilang si Lolita na kinikilalang ina ni Mara played by Julia Montes.
Bukod sa mga nabanggit ay on-going din ang programang “The Broken Marriage Vow” na sa pagkakaalam namin ay tapos na itong gawin kaya malayang makatawid si Ronnie Lazaro as Dr. Jose Alindayo sa “Sellblock”.
Kasama rin sina Cherry Pie Picache, Mon Confiado at RJ Bagatsing. Sa ABS-CBN Soundstage sa Bulacan ang entire shoot ng “Sellblock”.
* * *
Bubusugin ni Francine Diaz ng kilig at pagmamahal ang tatlo niyang leading men sa iWantTFC series na “Bola Bola,” kung saan pag-aagawan siya nina Akira Morishita ng BGYO at nina KD Estrada at Ashton Salvador ng The Squad Plus. Mapapanood ito nang libre sa Pilipinas sa iWantTFC ngayong Marso 26.
Iikot ang kwento kay Thea (Francine), isang overweight na high school student na matututong mahalin ang katawan at buong pagkatao niya. Buong buhay ni Thea, iisa lamang ang inaasam niya – maging normal na teenager at maranasang magmahal at mahalin ng iba sa kabila ng pambabash sa kanya dahil sa pagiging mataba.
View this post on Instagram
Nakahanap ng lakas ng loob si Thea na maging matapang dahil patay na patay siya kay Lucas (Akira), ang matagal na niyang crush na musikero. Upang magustuhan din siya, paghahandaan ni Thea si Lucas ng pinakamasarap niyang pagkain at aalukin niya itong maging date niya sa ball.
Ngunit madudurog ang puso ni Thea nang sabihan siya ni Lucas na hindi niya type ang dalaga dahil sa pagiging overweight niya. Dahil dito, matututunan ni Thea na mahalin ang kanyang sarili at ipapamukha niya sa lahat na kaya rin siyang mahalin ng iba.
Isa sa mga magiging sandalan ni Thea ay ang best friend niyang si Julian (KD). Laging ipinapaalala ni Julian kay Thea na kahit anuman ang hitsura nito, kamahal-mahal pa rin siya at dapat siyang respetuhin. Ang hindi alam ni Thea, matagal nang may gusto si Julian sa kanya.
Makikilala rin ni Thea si Josh (Ashton), isang mahiyaing fitness trainer na nakaka-relate sa pinagdadaanan ni Thea at unti-unting mahuhulog ang loob sa dalaga.
Dahil sa pagbabagong-anyo at bitbit na kumpiyansa ni Thea, pag-aagawan siya nina Lucas, Julian, at Josh. Sino sa kanila ang mas matimbang sa puso ni Thea?
Base sa libro ni Anna Geronga, ang “Bola Bola” ay mula sa direksyon ni JP Habac at produksyon ng iWantTFC, Dreamscape Entertainment, at KreativDen. Kabilang din sa serye sina Analain Salvador at Danica Ontengco ng The Squad Plus, Vance Larena, J-Mee Katanyag, at Arlene Muhlach.
Ipapalabas ito sa Marso 26 at may bagong episode kada weekend hanggang Abril 10 sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iWantTFC website (iwanttfc.com). Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.
Related Chika:
James Reid isa sa pinagpipilian para bumida sa int’l prison drama na ‘Sellblock’?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.