Nadine kinakarir ang ‘pescatarian diet’; nagbabala sa fans tungkol sa tema at kuwento ng ‘Greed’
KNOWS n’yo ba ang tinatawag na “pescatarian diet”? Yan kasi ang bagong diet na kinakarir ngayon ng award-winning actress at singer na si Nadine Lustre.
Dahil daw sa impluwensya ng pagtira niya nang ilang buwan sa isla ng Siargao ay nakita niya ang magandang resulta sa kanya ng pagiging pescatarian o ang pagkain lamang ng isda at iba pang pagkaing nakukuha sa dagat na may kasamang gulay.
Ayon kay Nadine, mahigit one week na siyang nagpi-pescatarian diet, “Now I’m focusing on health and fitness. I’m eating more healthy food. Hopefully I’m successful with becoming full-on pescatarian and vegetarian.”
Sa panayam ng beauty doctor na si Aivee Teo kay Nadine, inamin ng dalaga na talagang nahirapan siya nu’ng unang araw ng puro isda at gulay lang ang kinakain niya lalo pa’t favorite niya ang steak.
Pero unti-unti na rin daw siyang nasasanay ngayon at sa katunayan, hindi na niya hinahanap-hanap ngayon ang karne.
Sey pa ng aktres, hindi mahirap sundin ang pescatarian diet lalo na kung nasa probinsya ka o isla tulad ng Siargao.
“There’s just a lot of options like gulay, lutong bahay and a friend who would always cook and she likes to make kangkong, itlog na pula with kamatis at sinigang na bangus,” masayang kuwento ni Nadine.
Pero kung nasa Maynila raw siya, siguradong magiging mahirap para sa kanya na sundin ang pescatarian diet dahil alam niyang marami siyang pagpipiliang lugar na may masasarap na putahe na may karne.
Kung matatandaang, mas ginusto ng aktres na manirahan muna sa isla ng Siargao kung saan din naninirahan ang kanyang boyfriend na si Christophe Bariou.
Marami rin ang humanga sa ginagawa niyang pagtulong ngayon sa mga taga-Siargao matapos manalasa roon ang bagyong Odette. Isa rin siya sa mga aktibong nananawagan sa pamahalaan para tutulan ang pagpapatayo ng iba’t ibang istraktura na maaaring makasira sa isla at sa kalikasan.
Samantala, makalipas ang halos tatlong taon ng pamamahinga sa pag-arte, muling mapapanood si Nadine sa comeback movie niya sa Viva Films, ang “Greed” kung saan makakatambal niya si Diego Loyzaga.
Ayon kay Nadine, dream come true para sa kanya ang makatrabaho si Yam Laranas sa horror thriller movie nilang “Greed.”
“Gustung-gusto ko ‘yung ‘Aurora’ ni Direk Yam. That’s one of my favorite films of Direk Yam. I know he likes thinking out of the box. He’s very adventurous with his scripts and his stories.
“When Boss Vic (del Rosario ng Viva) and Direk Yam pitched this ‘Greed’ project to me, sobrang na-excite ako. Ang saya ko din. Finally, the project is no longer romantic-comedy or drama. Horror-thriller ang ‘Greed,’ so very exciting din for me,” kuwento ni Nadine sa virtual mediacon ng nasabing Vivamax original movie.
View this post on Instagram
Patuloy pa niyang kuwento tungkol sa pagbabalik niya sa aktingan, “Hindi ako humaharap sa camera, so there were times na nag-shoot kami lately, hindi ko na alam kung paano ako magpo-pose or mag-smile.
“Back to zero ang skills ko kasi nga, ang tagal kong hindi nagtrabaho. Nanibago ako. Although nag-music ako pero iba naman kasi ‘yung experience doon.
“Whenever I acted with Direk Yam for this film, ang feeling ko may kulang or may mali. Sobrang nakakapanibago. Eventually, natama ko with the help of Direk Yam and my co-actors,” sabi ng dalaga.
Tungkol naman sa leading man niya sa pelikula na si Diego Loyzaga, “Magkakilala na kami ni Diego, pero hindi naman kami close ever since. Dito lang sa ‘Greed’ talaga kami nakapag-bonding, naging friends pretty much and got to know each other better. He was super easy to work with.”
Binigyan din niya ng warning ang kanyang mga fans tungkol sa “Greed” na talagang proud siya sa ganda ng kuwento, “Naisip ko sa sarili ko, this is really happening finally.
“Something that is not rom-com or not drama. It’s very bloody and violent. Walang censor si Direk Yam. He does everything and anything for art,” dugtong ng aktres.
Mapapanood na ang “Greed,” simula sa March 16 sa Vivamax Plus.
https://bandera.inquirer.net/307382/nadine-lustre-puring-puri-ni-yam-laranas-bilang-aktres-masunurin-siyang-artista-i-like-that
https://bandera.inquirer.net/305347/nadine-diego-super-intense-sa-greed-vivamax-tuloy-ang-pag-ariba-ngayong-2022
https://bandera.inquirer.net/307541/maja-napa-like-nang-bonggang-bongga-sa-mga-sexy-photos-ni-alden
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.