Cristy Fermin ibinuking ang tunay na ugali ni Mr. Fu: Kapag sinabi mo ang isang bagay paninindigan mo ‘yan
Mr. Fu, Lolit Solis at Crisry Fermin
MAY sama ng loob si Nanay Cristy Fermin kay Mr. Fu, ang co-host nila ni Manay Lolit Solis sa online show nilang “Take It Per Minute…Me Ganon.”
Sa “Cristy Ferminute” radio program nina ‘Nay Cristy at Romel Chika na maririnig sa Radyo 5 92.3 News FM ay binanggit ng una na walang paninindigan si Mr. Fu.
Simula ng batikang manunulat at host, “Dito sa buhay na ito mas gugustuhin kong magkaroon ng pitong kaibigan na magsasabi sa akin ng harap-harapan ng katotohanan kesa sa isang libong kaibigan na isang hakbang ka palang palayo, sinisiraan ka na. Mas gusto ko na ‘yung pitong totoo.
“Aanhin mo ang mga kaibigang harapan ka lang pupurihin pero pag talikod mo na, uupakan ka na. Mas gugustuhin ko na ang konting totoo kaysa sa maraming traydor, parang ganu’n,” sabi ng radio host.
At tungkol sa walang paninindigan ng dating co-host, “Diretso ko na pong sasabihin para hindi na po kayo nag-iisip para alam ko rin kung ano ‘yung sinasabi ko at alam din ni Mr. Fu kung bakit ako nagsasalita ng ganito.
“Nu’ng sinabi ni Salve (Asis, line producer ng TIPMMG) na ‘last show n’yo na po ngayon.’ So, alam niya (Mr. Fu) last day na, so ako naman may kausap ako na producer, sabi niya (Mr. Fu) ‘Nay sasama ako sa ‘yo.
“Kinabukasan tinext ako ni Manay Lolit sabi ko, ‘ano nang gagawin natin kumuha na ako ng bagong producer. Sabi niya, ‘go, go, kung saan kayo ni Mr. Fu doon ako.’
“So, okay na, nakipag-usap na ako do’n sa producer nitong YouTube network. Eto na biglang nag-text si Fu, ‘Nay ito ang text ni Manay (Lolit) sa akin, ‘Nay tinawagan po ako ni sir Miguel (Belmonte) wala bang chance na magsama-sama pa rin tayo nina ‘Nay Lolit sa TIPMMG, gusto ni sir Miguel tuloy ‘yung show pero puwede pa rin i-push ‘yung producer na pupuntahan mo.
“So, hindi ko na alam kung ano ang pinag-usapan nilang dalawa (Manay at Mr, Fu). Nag-text si Fu (sa akin), ‘Nay may proposal ako, okay lang ba samahan ko si ‘Nay Lolit sa show tapos sasamahan din kita sa new show mo? ‘Nay, huhuhu!” mensahe ni Mr,. Fu kay ‘Nay Cristy.
Nabanggit pa ni Mr. Fu na nawiwindang siya sa mga ganap sa buhay niya at hihinga lang daw muna siya.
“So, Romel, umaasa ako kinabukasan na plantsado na. Nakipag-usap na ako do’n sa producer para sa YouTube network natin (Showbiz Now Na).
“Biglang tanghali iba na, alam n’yo kaya kong intindihin si Manay Lolit kasi matagal na panahon niyang kaibigan ang mga Belmonte.
“Bata pa sila sir Miguel, siya (Manay Lolit) na ‘yung kasa-kasama, Ipinagbibilin sa kanya ng respetado nating media personality, si Ms. Betty Go Belmonte. So, maiintindihan ko ‘yun bata pa nasa kanya na ang mga Belmonte. Natural lang na maiwan si Manay Lolit tutal nangako si sir Miguel na itutuloy, ganu’n.
“Nag-resign na ako kinabukasan sumulat kaagad ako. Tapos itong si Mr. Fu ‘yung sinasabi niyang proposal na sasamahan niya si Nanay Lolit at ako sasamahan din niya sa new show.
“Mabilis na nakapag-isip ako. Dito mo makikita talaga ang paninindigan ng tao. Oo ka ngayon, maya-maya hindi na, oo ka kanina, bigla ngayon hindi na at gusto mo pang dumalawa. Sasamahan mo si Manay Lolit, sasamahan mo pa ako sa new show, ano ka hilo?” diretsong sabi ni ‘Nay Cristy sa kamera patungkol kay Mr. Fu.
Dagdag pa, “Nagsisiguro ka (Mr. Fu). Kaliwa-kanan lang pamimiliin mo, pumunta ka sa gitna, e, di wala kang napala.
“’Yun lang ang akin, ang paninindigan na kapag sinabi mo ang isang bagay paninindigan mo ‘yan! Puwede ka namang sumagot ng hindi, pero umoo ka! Tapos bigla kang uurong at gusto mo pang dumalawa, naman! Ano ako ipinanganak kahapon para paikutin mo?
“’Yun po ang sinasabi ko na kinailangan pang mangyari ito para makilala ko itong si Fu nang mula ulo hanggang paa.
“Pasensya ka na anak, pero hindi na kita gustong makasalo sa hapag. Totoo ‘yan! Kakain na lang akong mag-isa sa isang sulok kesa kasabay pa kitang kumain, ‘yun lang!” mariing sabi ni Nay Cristy.
Ang dami-daming nagpadala ng mensahe kay Nanay Cristy para ipaalala ang pagtatanggol niya noon kay Mr. Fu sa isyu nila ni Kris Aquino dahil ayaw nitong makasama siya sa show.
Hindi tinanggap ni Nay Cristy ang online show na pagsasamahan sana nila nina Kris at Manay Lolit minus Mr. Fu. Katwiran ng manunulat ay tatlo silang dapat kunin, pero dahil ayaw ni Kris kay Mr. Fu dahil hindi niya kilala kaya hindi ito tinanggap ni Nanay Cristy.
“’Yung pagtatanggol, kunwari idinepensa ko ang isang tao sa panahon na ‘yun, hindi ko ‘yun pinagsisisihan, ginawa ko ‘yun mula sa puso. ‘Yun ang alam kong tama kaya ginawa ko at mahal ko rin naman si Mr. Fu kaya ko ginawa ‘yun.
“Kung baga paninindigan ‘yun, eh, prinsipyo wala akong pinagsisisihan, ‘yun lang ‘yun,” paliwanag pa ng premyadong manunulat.
Anyway, bukas naman ang BANDERA sa panig ni Mr. Fu.
https://bandera.inquirer.net/307415/cristy-fermin-nag-resign-na-sa-online-show-nila-ni-lolit-solis-hindi-namin-pahihirapan-ang-aming-sarili
https://bandera.inquirer.net/307284/lolit-solis-kinumpirmang-buwag-na-ang-online-tandem-nila-ni-cristy-fermin-pupunta-siya-sa-mas-masayang-lugar
https://bandera.inquirer.net/296427/lolit-cristy-mr-fu-humirit-ng-mamahaling-cellphone-kay-willie-revillame
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.