Bituin Escalante umalma sa politikong nagsasabing bayaran ang mga dumalo sa people’s rally ni VP Leni

Bituin Escalante umalma sa politikong nagsasabing bayaran ang mga dumalo sa people's rally ni VP Leni
UMALMA ang ilang showbiz personalities gaya na lamang ni Bituin Escalante patungkol sa paratang ng isang politiko na “bayaran” daw ang mga taong dumalo sa people’s rally ni VP Leni.

Hanggang ngayon nga ay mainit na usapin pa rin ang paratang na ito ni Rep. Boying Remulla na “hakot” raw at “binayaran” ng P500 kada tao ang naganap na rally sa Cavite nitong Biyernes, March 4.

“Sa siyudad ng Cavite, may politiko na nagbabayad ng limang daan sa bawat aattend,” saad ni Remulla.

Bagamat walang binanggit na pangalan ay tila si VP Leni ang pinatutungkulan nito dahil lumabas ang kanyang pahayag matapos ang grand rally ng kasalukuyang bise presidente na naganap sa General Trias, Cavite.

“Tapos ano, may jeep tapos meron silang staging area, may tshirt, may uniporme, kumpleto. Kaya alam mo na hindi indigenous kasi naka-uniporme eh. Hinahakot eh. Ang uniporme nila syempre pink. May mga jeep, may takip yung karatula kasi hindi naman talaga tiga-roon,” dagdag pa niya.

Kaya naman marami sa mga mamamayan na kusang dumalo at mga celebrities na nagbigay ng oras at suporta nang libre ay labis na kinukondena ang mga pahayag ng politiko.

Bukod kasi sa pagpaparatang na “bayaran” ay tila nire-redtag rin ang mga dumalo sa event bagay na maaaring ikapahamak ng mga tao.

Sa Twitter ay buong tapang na naglabas ng saloobin si Bituin sa pamamagitan ng pagpo-post ng video clip.

Aniya, Sa mga politiko na nagsasabing bayaran ang mga dumalo sa mga rally, hindi po ba napakababaw ng tingin niyo sa inyong constituents para bansagan silang mga bayaran? Hindi po ba kayo ang problema kapag yun ang nangyayari dahil hindi niyo natutugunan ang mga pangangailangan ng inyong mga constituents? Isip-isip lang po tayo.”

Dagdag pa ni Bituin, “Wala pong bayaran sa mga rally ni Leni. Pumupunta po kami dun nang kusa, nagboboluntaryo para sa bayan.”

 

Marami naman ang pumuri sa aktres dahil sa pagiging matapang nito at paggamit ng kanyang boses para ipaglaban ang katotohanan.

“Sino ba ang magpapakahirap at makikipagsiksikan, gagastos para sa pink tshirt at pamasahe para sa isang rally? Ito ang patunay na gusto natin ng pagbabago, na meron tayong pag-asa magkaron ng malinis ng gobyerno. Kusang loob at hndi mapipigilan!” saad ng isang netizen.

Sey naman ng isa pa, “Yes, hindi ka bayaran, still you chose your integrity and clean conscience intact. We salute you Ms. BITUIN. You’re really a star that shines in the darkness.”

Related Chika:
Hamon ni Korina sa bashers: Nasaan na ang mga troll na bayaran, napagod na ba kayo?
Kyline mas tumindi pa ang ‘hugot’ sa pamilya; Buboy bibida sa life story ni Betong
Bituin Escalante nagpakalbo; mga kaibigan sa showbiz na-shock

Read more...