CONFIRMED! Pagbibidahan nga ng Kapuso stars na sina Bea Alonzo at Alden Richards ang Philippine adaptation ng hit Korean series na “Start Up”.
Nitong Byernes, March 4, ay pormal nilang ibinahagi ang announcement sa “24 Oras” matapos ma-acquire ng Kapuso network ang rights na gawin ang Filipino adaptation ng KDrama series na unang inilabas noong 2020
Bagamat hindi pa naman nila inilalabas kung sino ang mga karakter na gagampanan ng dalawa, marami na agad na naniniwalang si Bea ang gaganap sa female lead na si Seo Dal-mi na ginampanan ni Bae Suzy sa original series.
Samantala, dahil dalawa ang bidang lalaki ay hindi naman mahulaan ng madlang pipol kung sino doon ang ipo-portray ni Alden pero umaasa sila na siya si Nam Do-San na ginampanan ni Nam Joo-hyuk at nakatuluyan ni Seo Dal-mi sa nasabing series.
Pag-amin naman ni Bea, ito raw ang nagpakumbinsi sa kanya para tanggapin ang offer bilang maging Kapuso.
Aniya, isa raw ang “Start Up” sa mga unang proyekto na nai-pitch sa kanya bago siya pumirma ng kontrata sa GMA-7.
“Alam mo, nakakatuwa kasi even before I signed with GMA, my first-ever meeting with the bosses, ito na yung na-pitch sa akin, and this is one of the reasons why I decided to become a Kapuso,” pagbabahagi ni Bea.
Sa ngayon nga ay talagang excited na ang dalaga dahil finally ay mangyayari na ang proyekto.
Pero sa kabila nga ng kanyang excitement ay nakakaramdam naman ng kaba si Bea sa kanyang magiging leading man na si Alden Richards.
“I know he’s such a brilliant actor, nakita ko rin siya sa workshops namin and sobrang nakaka-impress yung performance niya,” saad ng aktres.
Dagdag pa ni Bea, “So, kahit ako, kinakabahan na makasama si Alden. Iniisip ko, I have to be on my toes, kailangan galingan ko rin kasi magaling si Alden.”
Samantala, masaya naman si Alden na makatrabaho ang aktres sa “Start Up”. Pinuri rin niya ang magiging lady sa dedikasyon nito sa trabaho.
“Nag-workshops kami for other projects, hindi niya pinapalampas yung small details. Sabi ko, tama, perfect match, kasi parehas kaming hands-on sa trabaho,” pagkukwento naman ng aktor.
Tulad ni Bea, excited na rin si Alden para sa kanilang proyekto.
“Napanood ko rin po siya and excited rin po ako. This is my first K-Drama adaptation project. Parang ang sarap lang sa pakiramdam mabigyan ng opportunity to be able to do something na hinahanap ng audience,” saad ng aktor.
Wala pa namang ibang detalyeng inilalabas ang GMA kung kailan ito eere at kung sino pa ang mga magiging kasama nina Bea at Alden sa cast at kung sino ang magiging direktor nito.
Related Chika:
ABS-CBN gagawan ng Pinoy version ang Doctor Foster; sina Juday at Piolo nga ba ang bibida?